350 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Overseas Filipino Workers sa iba’t ibang bansa na bumoto at samantalahin ang isang buwang Overseas Voting.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Vice Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, hindi dapat sayangin ng mga O-F-W ang kanilang kapangyarihan na bumoto at maghalal ng mga bagong lider ng bansa.
Ipinaliwanag ni Bishop Santos na siya ring CBCP Bishop Promoter ng Apostleship of the Sea / Stella Maris – Philippines na dapat samantalahin ng mga O-F-W ang isang buwang Overseas Voting na itinakda mula April 10, 2022 hanggang May 9, 2022.
Ipinaalala ng Obispo na ang pagboto ay isang patas na Karapatan ng bawat mamamayang Pilipino kung saan kaakibat nito ang katungkulan na maging matalino at mapanuri sa kandidatong ihahalal para sa kapakanan at kinabukasan ng bansa.
“We, at CBCP ECMI and Stella Maris, encourage our dear OFWs in their free time and make the best effort to go and vote from this April 10-May 9 in their respective embassies and consular offices. Always remember mayroon kayong K. Your vote is your Karapatan. Your vote is your Katungkulan. And your vote is your Kinabukasan.”panawagan ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Hinikayat naman ng Obispo ang bawat botanteng O-F-W na isaisip ang kanilang sitwasyon at kapakanan sa pagpili ng mga lider na tutugon dito.
Iginiit ni Bishop Santos na dapat na piliin at ihalal ng mga O-F-W ang mga lider na tunay na magsusulong ng mga karapatan at dignidad ng mga manggagawa sa ibayong dagat; proteksyon sa kapakanan ng mga OFW; at magpaparusa sa sinumang mang-aabuso o magsasamantala sa mga Pilipinong manggagawa sa iba’t ibang bansa.
“So you go out and vote bear in mind your situation as OFWs. Vote for those who protect you from inhuman treatment and unjust practices; those who promote your rights and dignity; those who prosecute those whom victimized you.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Tiniyak naman ng Obispo, ang tuwinang pananalangin para sa kapakanan at kaligtasan ng bawat OFW na naninirahan at nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa.
“Remember we are always here praying for you and working for safety, salvation and security in life and works.” Ayon pa kay Bishop Santos.
Batay sa tala ng Commission on Elections (COMELEC) aabot sa mahigit 1.6 na milyon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers na rehistradong botante sa iba’t ibang bansa.
Sa ilalim ng panuntunan ng COMELEC para sa overseas voting, tanging national positions lamang ang kabilang sa kinakailangang ihalal ng mga botanteng OFW na kinabibilangan ng pangulo, pangalawang pangulo, 12-senador at isang party-list group.