522 total views
Hindi mababago ng anumang fake news o mga kinumisyong survey ang katotohanan ng pag-angat ni Vice President Leni Robredo sa kamalayan at puso ng maraming Pilipino.
Ito ang binigyang diin ng Broad ALLiance by X-Seminarians (BAX) sa mahigpit na labanan sa pagkapangulo sa papalapit na halalan sa ika-9 ng Mayo,2022.
Sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag, tahasang idineklara ng grupo ng mga dating seminarista mula sa iba’t-ibang sektor sa akademiya, sa gobyerno, sa pribadong sektor, at civil society na si Robredo ang panalo sa pagka-pangulo sa Halalan 2022 sa Mayo.
“Kami ang “Broad Alliance by Ex-Seminarians” na nasa iba’t ibang sektor: sa akademiya, sa gobyerno sa civil society at sa pribadong sektor, ay walang pag-a-agam-agam at pag- aalinlangan na tahasang inihahayag: na si Leni ang panalo sa pagka-pangulo sa Halalan 2022 sa Mayo, at hindi maipagkakaila, mababago, o mapipigilan ng kahit ano pang bayarang survey kasama ng sandamakmak na trolls ang kanyang tuloy-tuloy na pag-angat at pangunguna sa puso at kamalayan ng higit na nakararaming Pilipino!” deklarasyon ng Broad ALLiance by X-Seminarians (BAX).
Ayon sa Broad Alliance by Ex-Seminarians, hindi magtatagumpay ang sinumang nagpapakalat ng mga maling balita upang yurakan at sirain ang pangalan ni Robredo sa publiko.
Ipinaliwanag ng grupo na ang hayagang pag-endorso kay Robredo ng mga personalidad mula sa iba’t ibang larangan at sektor ng lipunan, kabilang na ang mga dating opisyal ng bayan at maging ng mga institusyon ng Simbahan ay ilan lamang sa patunay sa pangunguna at malayong lamang ni Robredo laban sa ibang mga kandidato.
Iginiit ng grupo na dapat na igalang ang “people’s choice” o pasya ng taumbayan sa nakatakdang halalan sa bansa.
“Dahil sa hindi maikakailang patuloy na pagdami ng mga nagpapahayag nang pagsuporta kay Leni ay malinaw pa sa sikat ng araw na siya ang “people’s choice” o pinipili ng taumbayan. At sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang suporta kay Leni, ay idinedeklara na ng di hamak na nakararaming mamamayan na si Leni Robredo ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Kaya’t igalang ang pasya ng taumbayan sa sagradong paghalal kay Leni sa Mayo 2022.” Dagdag pa ng Broad ALLiance by X-Seminarians (BAX).
Unang nagpahayag ng suporta sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Francis “Kiko” Pangilinan para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas at ang iba pang Diocesan at Archdiocesan Council of the Laity kabilang na ang mga layko mula sa mga Diyosesis ng Parañaque; Tarlac; Legazpi; Novaliches; Romblon; Malolos; Archdiocese of Lipa; Archdiocese of San Fernando Pampanga; Apostolic Vicariate of Calapan at Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan.