247 total views
Easter Sunday Cycle C
Acts 10:34.37-43 Col 3:1-4 Jn 20:1-9
Happy Easter po sa inyong lahat! Ito ang batian natin ngayong araw. Sa ating mga kapatid na Kristiyano sa Greek Orthodox tradition ang batian nila ay “Si Kristo ay muling nabuhay.” At sasagutin sila ng, “Oo nga, totoong siya’y muling nabuhay.” Christos anesti…. Alithos anesti!
Ang pagbating ito ay may elementong pagkagulat o surprise. They affirm one another that Jesus is really alive. Talagang may elementong pagkagulat ang pagkabuhay ni Jesus. Totoong sinabi ni Kristo bago pa siya mamatay na siya ay papasakitan at papatayin at sa ikatlong araw siya ay mabubuhay na muli. Pero itong pagkabuhay na ito ay hindi naintindihan ng mga alagad. Hindi ito nag-register sa kanila. Paano nila ito maiintindihan na wala ito sa kanilang karanasan? Hindi pa naman nangyari ang resurrection! Kaya nagulat si Maria Magdalena noong hindi niya nakita ang bangkay ni Jesus sa libingan. Bangkay ang kanyang pinuntahan. Ito ang inaasahan niyang makita. Gulat din si Pedro at si Juan noong walang laman ang libingan maliban sa mga kayo na nakabalot noon sa bangkay ni Jesus. Hindi nila ine-expect ang resurrection.
Iba ang resurrection sa resuscitation. May mga taong binuhay si Jesus, tulad ng babaeng anak ni Jairo, ang anak na lalaki ng balo sa Nain, at si Lazaro na kaibigan ni Jesus. Sila ay patay na ngunit binalik sila uli sa buhay dahil kay Jesus. Binalik sa kanila ang kanilang buhay. Bumalik sila sa dating buhay nila. Pagdating ng panahon, namatay din sila uli. Resuscitation ang naranasan nila. Iba si Jesus. He resurrected from the dead. Hindi na siya uli mamamatay. Hindi lang siya bumalik sa dating buhay niya. Buhay siya dahil nakatanggap siya ng bagong uri ng buhay. Siya pa rin iyon pero medyo may pagkakaiba na. Kaya hindi na siya kaagad nakikilala ng mga alagad. May katawan pa rin siya. Hindi siya isang multo o isang espiritu. Nahihipo pa rin siya at nakakakain pa rin siya pero nakakapasok siya kahit na sa kwartong nakasara ang mga pintuan at bintana.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang bunga ng kathang-isip ng mga alagad. Hindi lang ito imagination o hallucination ng mga apostol. Una, hindi nila ito inaasahan at sila mismo ay halos hindi makapaniwala dito. Pangalawa, hindi lang ng isang tao o isang beses lang siya nakita. Marami ang nakakita sa kanya – sabi pa nga ni San Pablo, higit na limang daang katao – at maraming beses siya nagpakita. At hindi lang nagpakita. Nakisama pa siya sa buhay ng mga alagad tulad ng dati. Kumain sila at nagkukwentuhan silang kasama niya. Ang mga alagad ang mga saksi na totoong muling nabuhay si Kristo.
Naranasan ng mga alagad na muling nabuhay si Jesus hindi lang sa nakita nila siya. Naranasan nila ito dahil sila rin ay nagkaroon ng bagong buhay dahil sa muling pagkabuhay. The resurrected Christ transformed their lives! Binago ni Jesus ang kanilang buhay! Binigyan sila ng sigla. Nagkaroon sila ng mas malalim at mas buong pag-unawa kay Jesus dahil sa kanyang muling pagkabuhay. Itong kapangyarihan ng muling pagkabuhay ay patuloy na kumikilos sa atin na mga Kristiyano. Napakaraming hadlang, pag-uusig, pagsubok at kapalpakan ang dinaanan ng simbahan sa loob ng dalawang libong taon na kasaysayan niya, pero patuloy pa rin ang simbahan at lumalago pa. Ito ay dahil sa ang simbahan ay ang katawan ni Kristo na muling nabuhay. Ang kapangyarihan ng muling pagkabuhay ni Kristo ay kumikilos sa atin!
Ang muling pagkabuhay ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na anuman ang mangyari sa atin, anumang kahirapan, kahit na nga kamatayan, ang mga ito ay mapagtatagumpayan natin kasi si Kristo ay muling nabuhay at ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay ay kumikilos sa atin hanggang ngayon.
Noong tayo ay bininyagan, nakiisa tayo sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Namatay tayo sa kasamaan. Ito ay nilinis ng tubig ng binyag, at tayo ay muling nabuhay tulad ni Jesus. Kaya bilang mga Kristiyano ang ating buhay ngayon ay hindi lang buhay na makamundo. Nakikiisa na tayo sa buhay maka-Kristo. Kaya nga pinaalalahanan tayo ni San Pablo na dahil sa buhay na tayong kasama ni Kristo, ang ating pagkakaabalahan ay hindi lang mga bagay ng mundong ito. Pansinin at isabuhay na rin natin ang mga makalangit na bagay kung nasaan ngayon si Jesus at kung saan din tayo pupunta. Hindi lang tayo makamundo. Makalangit na rin tayo kaya ang ugali at ang pinagkakaabalahan natin ay hindi lang mga makamundong bagay. We are already living the heavenly realities now.
Kaya po ang muling pagkabuhay ay hindi lang pagbabalik tanaw sa nangyari kay Kristo noon. Ito ay may kinalaman din sa buhay natin ngayon. Ang muling pagkabuhay ay isinasabuhay na rin natin. Bilang mga Kristiyano tayo ay mga saksi ng muling pagkabuhay ni Jesus. Bilang mga saksi kinukwento natin ito sa iba. Sinasabi natin: oo nga, si Kristo ay muling nabuhay. Pero hindi lang sa pamamagitan ng salita ang ating pagsasaksi. Pinapakita din natin na ito ay totoo sa pamamagitan ng ating buhay. Hindi tayo nadidiscouraged
kahit na sa gitna ng kahirapan at pagkabigo kasi may muling pagkabuhay. Hindi kamatayan, hindi kahirapan, hindi kasamaan, hindi kasinungalingan ang huling salita. Buhay ang huling salita. Magtatagumpay ang katotohanan kahit na may mga troll farms pa na nagpapakalat ng kasinungalingan. Mananalo ang kabutihan kahit na may mga pera pa na pinapakalat na mamimili ng mga tao. Ito ang mga patotoo natin tungkol sa resurrection.
Ang mas personal na patotoo natin sa muling pagkabuhay ay ang pagbabago ng ating buhay. Na hindi na tayo makamundo. Na mahalaga sa atin ang spiritual values tulad ng pananampalataya, dignidad at integridad sa ating buhay. Na maaari tayong magsakripisyo kasi magdadala ito ng tagumpay. Na ang pagdarasal ay hindi pagsasayang ng panahon. Na ang pagtulong sa kapwa ay nakakapataba ng puso. Nagagawa natin ito dahil si Kristo ay muling nabuhay!
Kaya maganda ang greetings ng mga Greek Christians. Christos anesti! Nabuhay si Kristo. Ang sagot: alethos anesti! Totoo ngang buhay si Kristo! Ipadama natin na buhay nga si Kristo!