216 total views
Homiliya para sa Linggo ng Paskong Pagkabuhay, ika-17 ng Abril 2022, Jn 20:1-9
Matagal kong nang itinatanong sa sarili ko kung bakit napakalakas ng dating ng pagsasaritwal ng muling pagkabuhay ni Kristo bilang SALUBONG. Nakuha ko ang sagot nang minsang makausap ko ang isang kaibigan at kinamusta ko ang pamilya nila. Alam kasi niyang alam ko na nagkaroon sila ng matinding alitan sa pamilya. Nagkadimandahan ang mga magkakapatid dahil sa usapan ng hatian sa ari-arian. Dati dumidilim ang mukha niya kapag kinakamusta ko ang pamilya nila. Pero nitong huli, maliwanag na, may kasama pang ngiti.
Sabi niya, “Salamat sa Diyos Bishop, nagka-SALUBÓNG na rin ang mga kapatid kong nagpasimuno sa dimandahan. Sinuwerte kasi kami na yung judge na nag-handle ng kaso, dahil yata lay minister siya sa simbahan, kinausap niya ang mga kapatid ko. Sinabi niya, ‘Talaga bang gusto ninyong ituloy ang kasong ito? Paalala ko lang na sisirain nito ang relasyon ninyong magkakapatid at baka hindi na ito bumalik sa dati. At isipin din ninyo ang mga magulang ninyo na nagpamana lang sa inyo ng mga ari-arian na iyan. May panahon pa kayo para mag-usap at magkasalubong tungkol sa kaso.’” Nag-iyakan daw sila at parehong nagpakumbaba, naresolba ang hidwaan at nagkasundo silang muli. Sa wakas, NAGKASALUBÓNG SILA.
Noon ko lang narinig ang salitang SALUBONG sa ganyang konteksto ng pagtatagpo ng mga pananaw at pagkakasundo. Ganito nga naman ang orihinal na sitwasyon ng muling pagkabuhay ni Hesus—imbes na magtagpo, parang nanganganib na magkawatak ang komunidad ng mga alagad. Ayaw daw maniwala ng mga lalaking alagad sa mga kasamahan nilang mga babae na unang nagbalita sa kanila tungkol sa muling pagkabuhay. Hinusgahan kaagad sila na gumagawa lang daw ng salita, kathang-isip, o tsismis.
Hindi rin magtagpo ang nakatatandang alagad na tulad ni Pedro at ang nakababatang alagad na katulad ni Juan. Kahit parehong libingan ang kanilang siniyasat, magkaiba sila ng nakita o napansin sa loob. Ganyan din si Tomas, parang may bitbit na sama ng loob sa mga kasamahan niya, parang natatakpan ang isip niya ng pagdududa sa kanila tungkol kay Hesus. Iyung dalawa nga sa mga alagad tuluyan nang tumiwalag. Hindi nila tuloy kaagad nakilala ang kalakbay nila na unti unting nag-alis ng belong itim ng takot at pagkabigo.
Ang hirap talagang pagsalubungin ang mga tao kapag natatakpan ang mga puso’t isip nila ng mga belong itim ng tampo, sama ng loob o hinanakit. Lalo na kapag nangunguna ang kinulayang interpretasyon kaysa pakikinig nang mabuti para makaunawa.
At ang tindi ng pagkasira na idinudulot nito. Tingnan lang natin ang giyerang kasalukuyang nangyayari ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine. O dito naman sa atin, tingnan ang epekto ng mga hidwaan dahil sa pulitika. Ang masasakit na palitan ng salita at insulto sa social media. Gusto ba nating humantong pa tayo sa civil war? Ano ang dapat nating gawin upang maalis ang mga belong itim ng kasinungalingan at panlilinlang, upang mabuksan ang isip tungkol sa katotohanan?
Siguro kaya napakatindi ng dating ng ritwal ng salubong para sa ating mga Pilipino. Sa loob-loob natin ibig talaga natin magtagpo o magsalubong. Hindi lang ito ritwal, ito’y isang marubdob na panalangin. Kaya kung mamarapatin ninyo, pakiusap ko sa sandaling ito na iyuko nating ang ating mga ulo at ipikit ang mga mata at tahimik tayong ulitin sa loob ang panalanging ito:
“Panginoong Hesus ng muling pagkabuhay, hinihiling namin na pagsalubungin mo ang mga magkakapatid, magkakamaganak, magkakababayan, lalo na ang mga pinaglalayo ng mga alitan, hinanakitan, at hidwaan. Alisin mo po ang belong itim ng pagdududa at mga paunang hatol, ang mga sama ng loob at masamang pag-iisipsa isa’t isa. Pagtagpuin mo po ang aming mga pananaw sa liwanag ng katotohanan nang may kababaang-loob na makinig, na magsisi sa aming mga pagkakamali, na huwag manghusga, at magsikap na maunawaan ang pinanggagalingan ng bawat isa sa amin. Hayaan mong masilayan namin ang iyong mukha sa bawat isa sa amin upang ang liwanag ng iyong pagkabuhay ang magdulot sa amin ng tunay na pagkakasundo, at aming matanto na kami pala ay hindi iba, na kami’y magkakapatid, na kami’y magkakapamilya dahil tinuring mo kaming lahat bilang iyong mga kaibigan at kapanalig. AMEN. Maligayang Paskong Pagkabuhay po sa ating lahat.