332 total views
Maliban sa pasko kapanalig, ang semana santa ay isa sa mga pinaka-hihintay na holiday sa ating bansa. Ito kasi ang isa sa mga pagkakataon na magkita muli ang mga pamilya sabay na rin sa pag-gunita ng sakripisyo ni Hesus. Mas matingkad ang panahon na ito ngayon, lalo na para sa mga migrante, dahil ito na ang unang pagkakataon matapos ang mahigit dalawang taon na mas malaya magsama-sama ang mga pamilya dahil nasa Alert Level 1 na lamang tayo.
Kaya nga lamang, ang bawat araw na pagliban sa trabaho ng karamihan sa ating mga migrante o OFWs ay nangangahulugan din ng bawas sa kita. Hindi naman lahat sa ating mga OFWs ay may mga leave benefits o pamasahe na sasapat sa pag-uwi nila sa bayan. Marami sa kanila, salat talaga sa social protection.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, malaking bahagi ng ating mga OFWs ay maka-kategorya na “potentially vulnerable” dahil sa kawalan ng access sa social protection. Ayon sa kanilang pag-aaral, karamihan sa mga OFWs ang may mga benepisyo na sapat lamang para sa kanilang “immediate on-site needs” pero hindi nito kayang saklawin ang kanilang pangangailangan halimbawang may emergency. Wala silang safety nets. Mga 53% lamang sa kanila ang may health insurance o medical benefits. Marami rin ang walang social insurance. Kadalasan, ang mga migranteng walang insurance ay mas mababa ang naabot na antas ng edukasyon at nasa mga tinaguriang elementary occupations.
Kaya naman noong simula ng pandemya, may mga OFWs ang kinailangang umuwi, at sa kanilang pagdating, walang silang hanapbuhay. Kaya nga marami ring OFWs ang nanatili na lamang sa kanilang trabaho. Sa atin kasi, kulang ang unemployment benefits.
Ang social protection ng mga migranteng manggagawa ng bayan ay isa sa ating mga dapat tutukan. Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay magpapatuloy kapanalig, at mas maraming pamilya ay aasa sa remittances nila. Sa katunayan, pati ang ating ekonomiya ay naka-asa din sa kanila. Kaya’t nararapat lamang na ating siguruhin ang kanilang mga benepsiyo.
Akmang-akma sa usaping ito ang mga kataga mula sa Rerum Novarum: Hinihingi ng hustisya na ang mga interes ng mga uring manggagawa ay dapat na maingat na bantayan ng administrasyon, upang sila na nag-aambag nang malaki sa bentahe ng komunidad at ng buong bansa ay maaaring makibahagi naman sa mga benepisyong kanilang nilikha.