420 total views
Mga Kapanalig, isang mapagpala at maligayang Pasko ng pagkabuhay sa ating lahat! Ang ating Panginoong Hesus na ipinako sa krus alang-alang sa ating mga kasalanan ay muling nabuhay! Sa gitna ng kawalang katiyakan at habang ang ating mga puso ay balót ng takot at pangamba, nawa’y makahango tayo ng pag-asa mula sa muling pagkabuhay ni Hesus.
Isa sa mga nakaranas ng matinding takot at pangamba nitong nakalipas na mga taon ay ang mga kumuha ng makasaysayang 2020/2021 Bar exams. Noong nakaraang linggo, inilabas ng Korte Suprema ang listahan ng mga nakapasá—sa mahigit labing-isang libong nakakumpleto ng dalawang araw na exams, 8,241 sa kanila ang magiging mga bagong abogado. Katumbas ito ng 72% na passing rate na maituturing na mataas sa gitna ng mga pagbabagong ipinatupad bunsod na rin ng nagpapatuloy na Covid-19 pandemic. Tinawag ngang “pandemic batch” ang mga kumuha ng Bar exams, at tunay na kahanga-hanga ang kanilang pagpupursiging mag-review habang may banta sa kalusugan hindi lamang sa kanilang sarili kundi pati sa kanilang mga kasama sa bahay.
Bilin ni Associate Justice Marvic Leonen, ang chairperson ng 2020/2021 Bar, sa mga bagong abogado: harapin nila ang kanilang tagumpay nang may kagandahang-loob at kapakumbabaan. Paalala pa niya, patuloy ang pagdurusa ng ating mga kababayan, at nakabibingi ang panawagan nila para sa katarungan. Isabuhay daw sana ng mga bagong abogado ang pagmamalasakit, paglilingkod sa kapwa, at pagtataguyod ng katarungan.
Ganito rin ang ating hangarin hindi lang para sa mga bagong abogado kundi para sa mga nasa ibang propersyon katulad ng mga doktor, nars, guro, inhinyero, pulis, mamamahayag, at mga negosyante. Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, hinihikayat tayo ni Pope Francis na linangin ang tinatawag niyang “culture of encounter”, isang kulturang nakikipagtagpo sa ating kapwa. Ang kulturang ito ay hindi lamang isang ideya. Ito ay binubuo ng ating mga pinapangarap, ng ating mga ninanais, at ng uri ng pamumuhay na pinipili natin. Paalala ng Santo Papa, dapat tayong maging masigasig sa pagkikipagtagpo sa ating kapwa—naghahanap ng mga bagay na maaaring pagsimulan ng ating ugnayan sa kanila, nagtatayo ng tulay at nagsisilbing tulay din sa isa’t isa, at nagsisimula ng pagkilos para makamit natin ang mga hangarin natin nang magkakasama.
Ang mga propesyunal, katulad ng mga abogado, ay may natatanging tungkulin sa pagbubuo ng ganitong uri ng kultura. Sabi pa nga ni Pope Francis sa isa pang Catholic social teaching na Lumen Fidei, sa maraming bagay sa ating buhay, pinagkakatiwalaan natin ang ibang mas marunong o mas may nalalaman kaysa sa atin, at ginawa niyang halimbawa ang mga abogadong nagtatanggol sa atin sa korte.
Ang mga tinatawag sa bokasyong maglingkod sa publiko, katulad ng mga abogado, ay dapat ginagabayan ng pagkilala sa dignidad ng tao at sa kabutihang panlahat o common good. Hindi sapat ang pagkakaroon ng mga batas (dahil may mga pagkakataon ding hindi patas ang mga ito sa ilang tao). Ang kailangan ay ang pagsasanay sa mga responsable at marurunong na tao upang tunay na maisabuhay ang nakasaad sa batas. Putting the laws into practice, ‘ika nga sa Ingles. Mahalaga rin ang mga abogadong handang kuwestiyunin ang mga batas at patakarang salungat sa layuning protektahan ang dangal at karapatan ng mga tao, at maraming ganitong batas sa Pilipinas, hindi po ba? Kung walang mahuhusay na abogado, walang titindig na ituwid ang mga baluktot, walang maghahangad na itama ang mga mali at kasinungalingan.
Mga Kapanalig, ipagdasal natin ang ating mga bagong abogado. Isabuhay sana nila ang nasasaad sa Mga Kawikaan 31: 8-9: “Ipagtanggol mo ang mga ‘di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”