487 total views
Binigyang diin ni Missiologist Father Johny Young, pangulo ng Father Saturnino Urios University, na pagtutuunan ng pansin ng ebanghelisasyon ng simbahan ang mga taong hindi nakakikilala kay Hesukristo.
Ito ang pagninilay ng pari sa International Missiology Symposium sa temang ‘Missionary Discipleship in the Local Church’ kasabay ng ginaganap na ikalawang National Mission Congress.
Batid ni Fr. Young na maraming mamamayan ang nagnanais na makita si Hesus subalit kulang ang pamamaraan na maabot ang kanilang hanay at walang panahon upang maihayag ang ebanghelyo.
Kinilala ng opisyal ng simbahan ang mga makabagong pamamaraan upang higit na maabot ang pamayanang nangangailangang mapakinggan ang mga salita ng Panginoon.
“We cannot forget that evangelization is first and foremost about preaching the Gospel to those who do not know Jesus Christ or who have always rejected him,” ayon sa pagninilay ni Fr. Young.
Bukod dito bahagi rin ng ebanghelisasyon ang ordinary pastoral ministry para sa mga aktibong nakikibahagi sa mga gawain ng simbahan sa iba’t ibang paraan subalit bihirang makiisa sa pagpupuri sa Panginoon.
Paliwanag ni Fr. Young nararapat paigtingin ang alab sa puso ng mananampalataya upang mas lumago sa kabanalan.
“Ordinary pastoral ministry seeks to help believers to grow spiritually so that they can respond to God’s love ever more fully in their lives,” ani Fr. Young.
Naniniwala ang pari na malawak na misyon ang gagampanan ng simbahan upang maabot ang mga nasa liblib na kanayunan at higit sa lahat ang mga nalalayo sa simbahan.
Sinabi pa ni Fr. Young na dapat palalakasin ng simbahan ang pagmimisyon lalo sa kasalukuyang panahon na nahaharap sa iba’t ibang pagsubok ang lipunan tulad ng pandemya, labis na katiwalian, laganap na fake news, pagkasira ng kalikasan at iba pang usapin na sumisira at nagpapahina sa kalooban ng tao.
“I see clearly that the thing the church needs most today is the ability to heal wounds and to warm the hearts of the faithful; it needs nearness and proximity,” giit ng pari.
Ang ginaganap na symposium sa National Mission Congress ay bahagi ng pagtatapos sa yearlong celebrations ng 500 Years of Christianity at ng Year of Missio Ad Gentes ng simbahan sa Pilipinas.