557 total views
Ikinalungkot ng Diyosesis ng Malaybalay ang pamamaril sa grupo ni Presidential candidate Leody de Guzman sa San Jose Quezon sa Bukidnon noong Abril 19.
Sa pahayag ni Bishop Noel Pedregosa kinundena nito ang karahasan lalo’t nangyari ito habang ipinagdiriwang ng simbahan ang Muling Pagkabuhay ni Hesus na tagapagpalaganap ng kapayapaan sa lipunan.
“It is sad that it had to happen during this continuing celebration of the Octave of Easter where the main message of the Lord to humanity through the Church is peace,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pedregosa.
Nangyari ang pamamaril habang nagpulong ang mga magsasaka at lumad kasama si presidential aspirant labor-leader Ka Leody De Guzman.
Tinalakay sa pulong ang pamamaraan upang mabawi ng Manobo-Pulangiyon tribe ang kanilang lupang minana.
Batay sa pahayag ng diyosesis dalawang lumad at dalawang human rights advocates ang nasugatan sa insidente habang nakaligtas naman sina De Guzman at senatorial aspirant Roy Cabonegro at David D’Angelo.
Apela ng diyosesis sa pamahalaan ang maayos na pagpatupad sa Indigenous Peoples Rights Act of 1997 na nangangalaga sa karapatan ng mga katutubo sa bansa kasama na ang kanilang ancestral lands.
Panawagan din ni Bishop Pedregosa ang dayalogo sa pagitan ng magkabilang panig upang higit na manaig ang katotohanan at katarungan upang iiral ang pagkakaisa sa komunidad.
“We would like to appeal to all concerned government agencies to go to the table of synodality, dialogue, reconciliation and assistance for the sake of peace and of the integral and sustainable development of the Lumads who have the rights to their ancestral domain claims which for many years have been deprived from them,” ani Bishop Pedregosa.
Una nang kinundena ng pamahalaan ang pamamaril sa grupo ng mga lumad at iginiit na walang puwang sa pamayanan ang anumang uri ng karahasan kasabay nito ang pagtiyak ng masusing imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang sangkot sa insidente.