509 total views
Nagpahayag ng suporta ang 56 na mga pari ng Diyosesis ng Malaybalay para sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Senator Francis “Kiko” Pangilinan para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo sa darating na halalan.
Sa opisyal na pahayag na inilathala at nilagdaan ng 56 na mga pari ng Malaybalay, ang kanilang desisyon ay bunga ng taimtim na pananalangin at pagninilay.
Tinukoy rin ng mga pari na taglay nina Robredo at Pangilinan ang mga katangian ng isang mabuting lider na nasasaad naman sa Catholic Social Teaching o panlipunang turo ng Simbahang Katolika.
“After careful discernment of the candidates presenting themselves for election as President and Vice President on May 9, 2022, we, the undersigned members of the clergy of the Diocese of Malaybalay, are move to publicly support the candidates of VP Leni Robredo and Sen. Kiko Pangilinan. We believe that they best exemplify the criteria for good leaders who will accompany the people towards a sustanable future for our country,” pahayag ng 56 na pari Diyosesis ng Malaybalay.
Kabilang sa partikular na tinukoy ng mga pari ng Diyosesis ng Malaybalay ay ang pagiging maka-Diyos at pagkakaroon ng takot sa Diyos nina Robredo at Pangilinan na ugat sa pagiging matapat at marangal ng mga ito.
Bukod dito binigyang-diin din ng mga pari ang magandang track record nina Robredo at Pangilinan na sumasalamin sa kanilang integridad at tunay na hangarin na maglingkod para sa kabutihan ng mas nakararami o ang common good.
Matatandaang una ng nagpahayag ng suporta sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Francis “Kiko” Pangilinan para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas at ang iba pang Diocesan at Archdiocesan Council of the Laity sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.