663 total views
Ibagay ang lifestyle sa suliraning hinaharap ng kalikasan.
Ito ang hamon ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mga mananampalataya ngayong ipinagdiriwang ang Earth Day.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Office on Stewardship, ang bawat isa ay pinapaalalahanan sa pagiging mabuting katiwala na pangangalagaan at pagyabungin ang ating nag-iisang tahanan.
“Itong Earth Day na ito ay paanyaya sa lahat na balik-balikan natin ang ating tungkulin na pahalagahan, i-appreciate, at pangalagaan ang biyaya ng mundong ito na ibinigay sa atin ng Diyos,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Tulad ng paulit-ulit na paalala ng Simbahan at makakalikasang grupo, iginiit ni Bishop Pabillo na ang mga nangyayaring sakuna sa kapaligiran ay makabuluhang mensahe upang ang mga tao ay simulan nang talikuran ang mga gawaing nakakasira sa kalikasan.
Dagdag pa ng obispo na ito’y paraan na rin upang ang bawat isa ay magtulungan para sa muling pagbangon ng mga komunidad na lubhang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
“Kaya habang inaalagaan natin ang mga nabiktima, tayo ay nagiisip-isip na rin. Ano bang magagawa natin upang ang ating lifestyle ay magbigay ng halaga sa inang kalikasan?,” saad ni Bishop Pabillo.
Nauna nang hinamon ni San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza ang mga mananampalataya na makiisa sa pagdiriwang ng Earth Day.
Ito’y sa pamamagitan ng “dance challenge” na layuning ipalaganap sa pamamagitan ng pagsasayaw ang kamalayan hinggil sa nagaganap na climate change crisis.
Ipinagdiriwang ang Earth Day tuwing April 22 na nagsimula noong taong 1970 sa Estados Unidos at ngayon nama’y ipinagdiriwang ang ika-52 anibersaryo.