298 total views
Ang mga katutubo ay isa sa mga hanay ng mga Filipino na hindi nabibigyan ng sapat na atensyon. Isipin na lamang natin kapanalig nitong pandemya. Nalaman ba natin kung paano sila naapektuhan? Nakamusta ba man lang natin sila?
Ayon sa UNDP, tinatayang mayroong tayong mga 14-17 million Indigenous Peoples (IPs) na na kasapi ng mga 110 ethno-linguistic groups noong 2013. Ayon naman sa World Bank, nasa 10% hanggang 20% ng ating nasyonal na populasyon ang kanilang bilang, kaya lamang, hindi ito maberipika dahil kulang sa opisyal na datos. At ito na nga siguro ang isa sa pinaka-kapuna-punang ebidensya na hindi natin nabibigyan ng sapat na atensyon ang mga katutubo. Kung mahirap silang hanapin sa opisyal na datos, paano tayo makakapagbigay ng serbisyo sa kanila?
Maraming hamon sa buhay ng ating mga katutubo kapanalig. Unang una na dito ay karapatan nila sa kanilang lupang sinilangan. Mahirap para sa maraming mga katutubo na ipaglaban ang kanilang mga ancestral lands dahil kailangang na nilang harapin pa ang mga nakakalitong mga proseso upang ma-secure ang kanilang lupang sinilangan. Kadalasan, nauuwi na ito sa karahasan dahil nagpapatong-patong na rin ang mga claims o pag-aangkin sa lupa, IP man o hindi.
Isa pa sa kanilang isyu ay ang kakulangan ng access sa mga pampublikong serbisyo. Marami sa mga IPs o katutubo ay nakatira sa mga uplands o mga remote areas at kadalasan, hirap silang maka-access sa mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at sanitasyon. Naging mas matingkad ang pagkukulang na ito nitong pandemya. Ayon sa pag-aaral mula International Labour Organization (ILO), naging malaking problema ng mga bansa ang access sa elektrisidad at internet para sa edukasyon sa maraming mga bansa. At dahil nga sa remote areas nakatira ang maraming mga katutubo, naging hamon din ang health care para sa kanila, lalo noong panahong ng mga lockdowns sa mga bansa.
Ang ating mga katutubo ay ating kapwa-Filipino. Sa ating pag-usad, mahalaga na atin silang makakasama. Sa kanilang hanay makikita ang ganda ng ating kultura at kasaysayan. Sa kanilang hanay makikita ang ating mga angking galing at kasanayan, bago pa man tayo mahaluan ng banyagang kaalaman. Kailangan nating silang protektahan.
Ayon sa Apostolic Exhortation Ecclesia in Oceania ni Pope John Paul II, may tungkulin ang Simbahan na tulungan ang mga katutubong kultura na mapanatili ang kanilang pagkakakilanlan at mapanatili ang kanilang mga tradisyon. Sana’y pakinggan natin ang panawagan na ito at atin ng isama sa pag-usad ang mga katutubong Filipino.
Sumainyo ang Katotohanan.