514 total views
Umaapela ang Arsobispo ng Archdiocese of Ozamiz sa mamamayan na iwasan ang siraan sa kapwa.
Ito ang panawagan ni Archbishop Martin Jumoad sa mga Pilipino kaugnay sa nalalapit na 2022 national and local elections dahil sa lumalalang away ng mga supporter’s ng bawat kandidato.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na isang araw lang ang halalan at kailangang ipagpatuloy ang buhay ng bawat mamamayan na may pakikipagkapwa.
“We should avoid dignity assassination para makita na we are really living the Gospel and we are proclaiming what is good for one another; kailangan maging neighbor tayo sa isa’t isa,” pahayag ni Archbishop Jumoad sa panayam ng Radio Veritas.
Ikinalungkot ng Arsobispo ang pagkasira sa relasyon ng mga magkakaibigan at magkakamag-anak dahil sa pagkakaiba ng kandidatong sinusuportahan.
Aniya, hindi kinalulugdan ng Panginoon ang anumang uri ng paninira sa kapwa sapagkat hindi ito naaayon sa ebanghelyo.
Apela ni Archbishop Jumoad sa 65-milyong botante sa bansa na suriin at pagnilayan ang bawat kandidatong ihahalal sa posisyon upang matiyak na karapat-dapat itong manilbihan sa bayan.
“Kailangang suriin talaga ang mga kandidato, tingnan kung ang mga nagawa niya ay ayon ba sa ebanghelyo, ang karakter at attitude; mahalagang suriin din kung ano ang mga nagawa at magagawa pa para sa bayan at pamayanan,” ani ng Arsobispo.
Ilang araw bago ang halalan pinaiigting ng Simbahan ang voter’s education sa pangunguna ng circles of discernment ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting; Halalang Marangal 2022 ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at ang One Godly Vote ng Radio Veritas – ang media arm ng Archdiocese of Manila.