697 total views
Kapanalig, ngayong eleksyon, dapat nating alalahanin ang kinabukasan ng mga bata sa ating bayan. Sila ay isa dapat sa mga mahahalagang salik at pamantayan ng ating pagpili sa mga pinuno ng bayan. Kailangan nating tanungin kung ano nga ba ang nagawa na ng mga kandidatong ito para sa mga bata? Ano nga ba ang mga plano nila para sa mga bata?
Ang mga kabataan ngayon ng ating bayan ang sasalo sa lahat ng pagkakamali na ating nagawa noon at sa kasalukuyan. Sila ang makakaranas ng mga epekto ng ating mga pagkakamali. Sila ang magmamana ng mundong ating iiwan. Ang mas nakakalungkot kapanalig, ang mga bata ngayon ay hindi rin natin naihahanda ng mabuti para sa darating na mga hamon – lalo na ang mga batang maralita.
Ayon sa UNICEF, maraming mga isyung kinakaharap ang mga bata at kabataan sa ating bayan. Mga 31.4% ng ating mga bata ay below the poverty line. Sa Mindanao, 63.1% ang mga batang namumuhay below the poverty line. Dahil sa kahirapan, marami sa kanila ay undernourished. Tinatayang 33% ng mga bata ay stunted o maliit para sa kanilang edad. Marami rin sa kanila ay hindi bakunado – bumagsak ng 60% noong 2013-2015 ang vaccination rate ng bansa mula sa 89%. Ayon pa sa ahensya, mga 2.85 million na batang may edad 5-15 ay out of school, at 8 sa sampung bata ang nakakaranas ng karahasan. Maaring naging mas mas malala ang kanilang sitwasyon nitong panahon ng pandemya.
Kapanalig, kailangan nating bigyan ng sapat na atensyon ang kalagayan ng mga bata ngayon. Sa ating mga tahanan, maari na ating napapabayaan ang kanilang kapakanan dahil naging mas mahirap ang buhay para sa marami. Maari ring naiwan na silang mag-isa kasama ang kanilang mga gadgets. Maari ring overwhelmed o napuno na sila ng stress at pressure mula sa online mode of learning. Kahit ano pa man ang kanilang pinagdaanan ngayon, ang mahalaga ay dapat nating silang samahan, gabayan, at akayin. Kailangan tayo ng mga bata.
Kapanalig, kung nais natin tiyakin ang maayos na kinabukasan para sa mga batang Filipino, maraming pagbabago ang kailangan nating ilatag. Sa hanay ng lehislatura, kailangan nating maconsolidate at maibalangkas ang isang komprehensibong legal and policy framework para sa isang matatag na child protection system. Kailangan din nating palakasin pa ang ating komunidad at pamilya upang sa kanilang lebel ay madaling mamonitor, matigil, at maihabla ang anumang uri ng paglabag sa karapatan ng mga bata. Kailangan din natin ng maayos at komprehensibong patakaran at sistema upang matigil ang child abuse, na umaabot na hanggang sa internet ngayon. Iilan lamang ito kapanalig, sa ating maaring magagawa.
Ayon sa Mater et Magistra, ang pag-aaruga sa mga bata ay isang dakila at mahalagang gawain dahil dito, tayo ay nakikipagtulungan sa Diyos sa pagbibigay buhay sa ating mundo. Nawa’y akapin din natin ang responsibilidad na ito. Ang kinabukasan ng mga bata ay nasa ating mga kamay.
Sumainyo ang Katotohanan.