557 total views
Umaapela ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa Iglesia ni Cristo na makibahagi sa paninindigan para sa katotohanan, katarungan at pagmamahal sa bayan para sa nakatakdang halalan sa May 9,2022.
Ayon kay Bro. Raymond Daniel Cruz, Jr. – Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, kahanga-hanga ang buong pusong pagsunod at pagtugon ng mga kasapi ng I-N-C sa mga atas at tagubilin ng pamunuan tuwing panahon ng halalan sa bansa.
Sinabi ni Cruz na sa pamamagitan ng pagninilay at pananalangin ay ganap na manindigan ang pamunuan ng INC na pinangungunahan ni Ka Eduardo V. Manalo sa pagpili ng mga kandidatong tunay na magsusulong ng katotohanan at katarungan.
“Mga kapatid, nakita ko po kung papano kayo sumunod sa tagubilin ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo, hangang hanga po kami na kapag mayroong binibigay na atas ang inyong Iglesia ay talaga pong buong puso ninyong tinutugunan, naniniwala po kami na ito ay parte ng inyong pagmamahal sa Diyos, parte ng inyong pagmamahal sa Iglesia ni Cristo. Kaya po naman pinagdadasal po namin na hikayatin natin ang ating mga kasamahan at kung maaari ay talagang ipagdasal din natin ang pamunuan kasama na ang Ka Eduardo na talagang manindigan para sa katotohanan, manindigan para sa katarungan at pagmamahalan.” pahayag ni Cruz sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Cruz na mahalaga ang pagkakaisa ng bawat mamamayang Pilipino upang makapagluklok ng mga karapat-dapat na mga lider.
Umaasa si Cruz na gabayan at himukin ni Ka Eduardo ang lahat ng mga kasapi ng INC upang itaguyod ang kanilang paninindigan, konsensya at pagmamahal sa bayan sa sa pagpili at pagsusulong ng gobyernong tapat para sa bawat mamamayan.
Ang Iglesia ni Cristo na may tinatayang mahigit sa 3-milyong kasapi sa buong Pilipinas at iba’t ibang bansa ay kilala sa kanilang bloc voting tuwing halalan.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na una ng nagpahayag ng suporta sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Senator Francis “Kiko” Pangilinan ay ang nagsisilbing implementing-arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine – Episcopal Commission on the Laity na binubuo ng higit sa 50 organisasyon ng Simbahan at Council of the Laity mula sa may 86-na diyosesis sa buong bansa na kasalukuyang pinamumunuan ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg.