497 total views
Nagpaabot ng pasasalamat si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa inisyatibo at pagtutulungan ng Radyo Veritas 846 at Radio Veritas Asia na gumawa ng isang Documentary Film kaugnay ng 500-taon ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Ayon sa Obispo, naipakita ng Docudrama Film na may titulong PILGRIM: 500 Years of Catholic Faith in the Philippines ang mayamang kasaysayan ng pananampalatang Kristiyano sa Pilipinas mula ng dumating ito sa bansa noong 1521.
Inihayag ni Bishop David na bagamat marami na ang natalakay at naitampok sa documentary film ay marami pa ring mga detalye ang kailangang idagdag upang ganap na maging wasto ang kasaysayan ng pananampalatang Kristiyano sa bansa.
“Magaling you know I would like to congratulate Radio Veritas for producing it kasi it is the first of its kind, actually nag-uusap kami ni Fr. Anton Pascual [Pangulo ng Radio Veritas 846] at ang sabi niya ‘marami pang kulang’ ang sabi niya ‘oo’ ang sabi ko ‘marami pa tayong dapat idagdag diyan but it’s already a very good attempt in itself’ sabi ko. Of course, it’s a first attempt maraming mga detalye na kailangang i-correct but that will follow yung refinement nung material but it’s very rich, napakayaman [sa history].” pahayag ni David sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop David na mahalagang maunawaan at malaman ng bawat Kristiyano’t Katoliko ang kasaysayan ng pananampalataya sa bansa hindi lamang upang patuloy itong mapalago kundi upang maiwasan ang pagkalat ng mga maling paniniwala lalo na ngayong panahon ng disinformation.
“Talagang yan ang pag-alam ng kasaysayan ng ating pananampalataya ay isang bagay na napaka-essential diba sinasabi nila ‘those who do not remember the past are doomed to repeat it’ at lalo na sa panahon ng disinformation, madaling i-revise yung mga pangyayari na maging iba yung pagkakaunawa kaya napakahalaga na sariwain talaga natin ng tama in the right way.” Dagdag pa ni Bishop David.
Unang pinasilip ang Docudrama sa ilang mga kawani ng Simbahang Katolika sa isang premier showing na personal na dinaluhan ng ilang Obispo kabilang na sina Novaliches Bishop Roberto Gaa, Prelatura ng Infanta, Quezon Bishop Bernardino Cortez at San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na siya ring Head ng Office on Social Communications ng Federation of Asian Bishops’ Conferences.
Sa nasabing premier showing ay opisyal na rin na ipinagkaloob ng pamunuan ng Radyo Veritas 846 at Radio Veritas Asia kay Bishop David ang kopya ng Pilgrim: 500 Years of Catholic Faith in the Philippines Documentary Film upang maibahagi sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.
Tampok sa Pilgrim: 500 Years of Catholic Faith in the Philippines Docudrama Film ang mayamang kasaysayan ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa na nagsimula noong 1521 at patuloy pang lumalago magpahanggang sa ngayon.
Inaasahan namang mapapanuod rin ang nasabing docudrama film sa iba’t ibang parokya at mga diyosesis bilang patuloy na paalala sa hamon para sa bawat isa na higit pang palaganapin ang pananampalataya at kaharian ng Panginoon sa mas nakararami.