372 total views
Naniniwala ang Living Laudato Si’ Philippines na dapat pang paigtingin ang pangangalaga at pagtatanggol sa kalayaan ng pamamahayag.
Ito ay kaugnay sa insidente ng panggugulo at pananakot ng mga armadong sibilyan kina Living Laudato Si’ information officer Mark Saludes, at advocacy officer Sheena Katrina Orihuela sa Aparri, Cagayan kasabay ng isinasagawang kilos-protesta ng mga mangingisda.
Ayon kay Rodne Galicha, executive director ng grupo na marahil ang layunin ng panggugulo ay sirain ang kalayaang pakinggan at ipahayag ang mga karanasan ng mga nasa mahihirap na komunidad na pawang biktima ng pang-aapi at pang-uusig.
“We call on the authorities to safeguard the freedom of speech and of the press, and secure the rights of people clamoring for social justice,” pahayag ni Galicha sa panayam ng Radio Veritas.
Nauna nang kinondena ng Alyansa Tigil Mina (ATM) ang naganap na insidente kung saan mayroong armadong lalaki na may lima pang kasamahan ang nagpakilalang pulis at lumapit kay Saludes upang humingi ng pahintulot na pumasok sa nasasakupan ng parokya ng San Pedro Telma sa Aparri.
Ito’y sapagkat ayon sa nagpakilalang pulis ay mayroong nakatakas na bilanggo na kanilang pinaghahahanap.
Agad namang iniulat ni Saludes ang insidente sa lokal na pamahalaan ng Aparri, kung saan napag-alamang walang anumang operasyon ang pulis sa lugar.
Samantala, ibinahagi ni Saludes na noong 2017 nang kanya ring maranasan ang katulad na insidente habang nagsasagawa ng kilos-protesta sa parehong lugar at parokya.
“We deplore the underhanded tactics of the armed men to harass a journalist and environmental advocate within the premises of a parish, which is supposed to be a safe space for all,” pahayag ng ATM.
Kasabay ng pagdiriwang sa Earth Day ay nagsagawa ng protesta ang mga mangingisda at mga tutol sa pagmimina sa Aparri upang pagtuunan ang epekto ng black sand mining sa kanilang kabuhayan at sa marine biodiversity sa lugar.