260 total views
Nakikiisa ang social arm ng Archdiocese of Cebu para sa mga naapektuhan ng bagyong Agaton sa Isla ng Leyte nitong nagdaang Semana Santa.
Sa inilabas na solidarity statement, sinabi ni Cebu Caritas President Father Alex Cola, Jr. na anumang mga pagsubok o sakuna ang dumating sa bansa, buong puso at tapang pa ring babangon ang bawat mamamayan upang ipagpatuloy ang buhay.
“This has consistently challenged our limited capacities and resources. At the same time, this has tested our strength and courage to face up to these trials as communities and as a people,” pahayag ni Fr. Cola.
Batid ng pari ang lungkot at paghihirap na idinulot ng Bagyong Agaton sa mga lubhang apektadong pamilya sa bayan ng Abuyog at Baybay City, Leyte, dahil bago ito ay nanalasa na rin sa lugar ang bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Ibinahagi rin ni Fr. Cola, na siya ring chairman ng Cebu Archdiocesan Commission on Service na maging ang Cebu ay hindi rin nakaligtas sa pananalasa ng bagyong Odette na nag-iwan ng maraming bilang ng mga nasawi at nawalan ng tahanan.
“We commiserate with you in these trying times, since we too have experienced destructive storms like super typhoon Odette which wrecked large parts of the island of Cebu, resulting to multiple deaths and leaving thousands homeless,” ayon sa pahayag.
Samantala, nagpahayag naman ng taos-pusong pakikiramay ang Cebu Caritas para sa mga naulilang pamilya dahil sa bagyong Agaton.
Gayundin ang patuloy na pagpapaabot ng tulong at suporta sa mga higit na apektadong komunidad na magpahanggang ngayon ay nahihirapan pa ring harapin ang kakulangan sa pagkain at kawalan ng hanapbuhay.
“We realize how difficult the path to full recovery is. Yet, as children of Easter and firm believers in the Lord of the Resurrection, we remain steadfast and strong in our resolve that all of us shall rise again after these storms,” ayon kay Fr. Cola.
Batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot na sa 224-katao ang bilang ng mga nasawi habang nasa 147 indibidwal naman ang patuloy na nawawala dulot ng bagyong Agaton.