613 total views
Nagagalak ang Order of Carmelites Philippine Province of Blessed Titus Brandsma sa nakatakdang canonization ng santo sa May 15.
Ayon kay Father Rico Ponce, O.Carm, Prior provincial of the Philippine Province, isang karangalan ng mga Carmelong Pilipino ang pagkakatalagang santo ni Titus Brandsma at inspirasyon sa buong Simbahang Katolika bilang martir.
Iginiit ng pari na napapanahon ang pagkakatalagang santo ni Blessed Titus lalo’t nahaharap ang mundo lalo na ang Pilipinas sa laganap na fake news na isang adbokasiya ng santo bilang mamamahayag.
“Having our Province named after this modern-day martyr and mystic is made more meaningful by our own present struggles against the venom of deceit, lies, fake news, historical revisionism and all other forms of disinformation,” pahayag ni Fr. Ponce.
Batid ng Carmelite priest ang kasalukuyang suliranin ng bansa kung saan unti-unting nagagamit ang media sa maling paraan.
“We are currently embroiled in a battle against the vicious enemies of truth, as well as those who try to manipulate the use of media and communication technology for their own selfish ends,” ani ng pari.
Tinaguriang ‘Defender of Truth’ at ‘Martyr of Press Freedom’ si Blessed Titus dahil sa paninindigan sa katotohanan nang tanggihang ilathala sa Catholic newspaper ang Nazi propaganda dahilan upang paslangin noong July 26, 1942 sa Dachau concentration camp.
Bukod sa pagiging Carmelite priest, si Blessed Titus ay isa ring guro at mamamahayag na nagsusulong ng katotohanan sa lipunan na nababatay sa kalooban ng Panginoon.
“We have much to learn and to imitate from Titus Brandsma, who defended Truth and Press Freedom until his dying breath,” giit ni Fr. Ponce.
Si Blessed Titus ay kabilang sa sampung itatalagang santo ni Pope Francis sa St. Peter’s Square sa Vatican at ituturing na patron ng mga mamamayag o media.
Bilang pagkilala ng Filipino Carmelites sa santo ipinagpatuloy nito ang inisyatibong Titus Brandsma Media Center na layong magbahagi ng media education at pastoral care for media professionals; Titus Brandsma Media Awards, na kumikilala sa natatanging media practitioners na nagpapahalaga sa katarungan, katotohanan, kalayaan at nagtataguyod sa kapakanan ng mga mahihirap sa lipunan.