420 total views
Unahin ang pag-unlad ng lipunan higit na ang kapakanan ng mga pinakamahihirap at nangangailangan.
Ito ang mensahe ni Kej Andres – Pangulo ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) bilang pagkilala sa inisyatibo ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL) na isama ang mga kabataan sa kanilang adbokasiya na pahalagahan at magkaroon ng sariling Intellectual Properties (IP).
“Magandang hikayatin ang paglilinang ng mga kakayahan sa pamamagitan ng pagtatanong: para kanino? Kung para sa Diyos at sa Bayan, mahihimok ang mga kabataan na tuklasin ang kanilang mga kakayahan at magpakahusay rito para sa ikauunlad ng lipunan at magamit ang mga kakayahang biyaya ng Maykapal tungo sa nararapat na paglilingkod,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Andres sa Radio Veritas.
Ayon kay Andres, kinikilala ng SCMP ang kahalagahan ng pangangalaga sa IP higit na ng mga kabataang imbentor at maliliit na negosyo upang hindi madaling manakaw ang kanilang mga likha at ideya.
Ipinaalala naman ng SCMP sa bawat isa sa pagkakamit ng IP sa kasakiman at pagdadamot sa mga maiimbentong gamot at teknolohiyang makakapagligtas ng napakaraming buhay.
“Ayaw nating umabot sa isang mindset ng sagarang pagprotekta sa mga likha lalo na at sumusulpot ang mga isyu hinggil sa pagdadamot sa paraan sa paggawa ng bakuna, mga esensiyal na teknolohiya, at biopiracy. Sa huli, kahit sa usapin ng intellectual property, gusto nating manaig ang kapakanan ng mga nasa laylayan at ordinaryong mamamayan kaysa kita ng iilan,” ayon pa kay Andres
Ipinabatid ni Andres na dapat tulungan ang mga kabataan na linangin ang kanilang talento na nakaayon sa plano ng Diyos upang sama-samang umunlad ang lipunan.
Ang IPOPHIL ay ang ahensya ng pamahalaan na nagbibigay ng lisensya at proteksyon sa mga Intelectul properties katulad ng ideya, musika, kanta at imbensyon bilang opisyal na pagmamay-ari ng isang kompanya, indibidwal o grupo.