613 total views
Dismayado ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) sa naging pinal na desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa kontrobersiyal na Anti-Terror Law kung saan ibinasura ang mga ‘motion for reconsideration’ ng tatlumpo’t pitong grupo na naghain ng petisyon laban sa batas.
Ayon kay Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm. – chairperson ng TFDP, isang banta ang naturang batas laban sa kalayaan ng bawat isa na magpahayag ng saloobin at pagpuna sa paraan ng pamamahala sa bansa.
Ikinababahala ng Pari na siya ring Executive Secretary ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) na magamit ang Anti-Terror Law sa patuloy na red-tagging, pang-aabuso, pagpatay at pagpapakulong sa mga kritiko ng pamahalaan partikular na ang mga human rights defenders, environmental activists, at mga climate justice rights defenders.
“TFDP regrets that the Supreme Court denied with finality the motions for reconsideration regarding the Anti-Terror Law. The death-dealers will have a heyday weaponizing this law to red tag, harass and even imprison and kill human rights defenders, environmental activists, climate justice rights defenders and all who raise their voices in dissent,” pahayag ni Fr. Buenafe
Tiniyak naman ng Pari ang patuloy na pananalangin upang hindi magamit ang Anti-Terror Law para sa kasamaan at para sa pagpapatahimik ng mga kritiko ng pamahalaan.
Iginiit ni Fr. Buenafe na ang pag-unlad ng isang bansang mayroong demokrasya ay hindi lamang dahil sa tuwinang pagsang-ayon ng mamamayan sa paraan ng pamamahala sa bansa sapagkat mahalaga rin ang pagkakaroong isang malayang pagdaloy ng mga ideya, saloobin at pananaw ng bawat mamamayan sa lipunan.
“We pray that the Anti-Terror Law will not be used to silence dissent. A democracy thrives on dissent and a free flow of ideas,” dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Kabilang sa tatlumpot pitong grupo na naghain ng petisyon laban sa Anti-Terror Law ay ang CMSP na dating kilala bilang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) dahil na rin sa banta ng naturang batas sa Freedom of Religious Expression.