508 total views
Pinuri ng opisyal ng migrant’s ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga manggagawa na isinasabuhay ang mga halimbawa ni San Jose.
Ito ang mensahe ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Vice Chairman ng CBCP migrant’s ministry sa kapistahan ni San Jose Manggagawa sa Mayo 1 kasabay ng pagdiriwang sa International Labor Day.
Ayon sa Obispo, ipinamamalas ng mga Pilipino ang angking kasipagan sa iba’t ibang larangan sa buong mundo sa pangunguna ng mga Overseas Filipino Workers.
“Our workers truly follow and live the examples of saint Joseph. Hindi tatamad-tamad, hindi tatambay-tambay, at walang takot na magtrabaho kahit saan,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Itinuring ng opisyal ang mga manggagawa bilang mga bayani ng bayan na itinataguyod hindi lamang ang pamilya kundi ang ekonomiya ng buong bansa.
Binigyang diin ng obispo na ang mga gusali, tulay at maging ang bahay ng mga mamamayan ay patunay sa talino, sipag at tiyaga ng mga manggagawang Pilipino.
Sinabi ni Bishop Santos na tinitingala ng buong mundo ang natatanging kasanayan at talento ng mga Pilipinong manggagawa dahil sa dedikasyon at tunay na paglilingkod na ipinamamalas.
“Our workers are our economic frontliners, our essential service providers. They are our heroes; We have to be grateful to them and pray always for their safety,” ani Bishop Santos.
Sa ensiklikal ni St. John Paul II na Laborem Exercens binigyang diin nito ang pagpapahalaga sa dignidad ng manggagawa kabilang na ang pagbbigay wastong pasahod at benepisyo.
Unang ipinagdiwang ang Labor Day sa Pilipinas noong May 1, 1903 nang maglunsad ng kilos protesta daang libong manggagawa para sa ipanawagan ang pantay na karapatan at benepisyo.
April 8, 1908 nang ipinasa ng Philippine Assembly ang panukala na kumikilala sa unang araw ng Mayo na national holiday habang May 1, 1913 ang unang opisyal na pagdiriwang ng Labor Day nang bumuo ng magkatipon ang 36 na unyon para sa labor congress.