264 total views
3rd Sunday of Easter Cycle C
Acts 5:27-32.40-41 Rev 5:11-14 Jn 21:1-19
Si Jesus ay muling nabuhay. Ito ang pahayag natin. Ang pagkabuhay ni Jesus ay hindi lang isang pangyayari tungkol sa kanyang sarili. Ini-involve niya tayo sa pangyayaring ito. Hindi lang siya ang nagkaroon ng bagong buhay. Dahil sa kanyang muling pagkabuhay nagkaroon din tayo ng bagong buhay.
Nang hindi na kasa-kasama ng mga alagad si Jesus, ibig na nilang bumalik sa dating buhay nila. Kaya nag-anyaya si Pedro na mangisda at sumama ang anim sa kanila. Tayo rin, pagkaraan ng mga excitement ng Holy Week at ng Salubong at Easter, maaaring bumabalik na rin tayo sa dating takbo ng ating buhay. Pero walang nangyari sa pangingisda nila. Magdamag silang nangisda at wala silang nahuli. Pero kahit na akala nating wala nang nangyayari sa atin, patuloy pa rin tayong pinapatnubayan ni Jesus, tulad ng ginawa niya sa mga alagad. Maagang-maaga pa noon, siya ay nasa pampang na, kinakamusta sila. Naghanda na siya ng almusal para sa kanila – tinapay at may nakasalang na isda na iniihaw. Nakialam uli si Jesus sa buhay ng mga alagad niya. Pinahulog niya sa kanila ang lambat, at biglang may maraming huli na hindi nila maiahon ang lambat. Mabuti na lang at sumunod sila sa instructions niya na ihulog ang lambat sa gawing kanan.
Kahit pala hindi na nila kasa-kasama si Jesus, umaapoy sa damdamin ni Pedro ang pananabik sa kanya. Kaya noong sinabi ni Juan na si Jesus iyon – It is the Lord – agad siyang tumalon sa tubig upang makapiling ni Jesus. Hindi siya makaantay sa bangka na dumaong. At noong nagparinig si Jesus na magdala ng ilang isda na nahuli nila, agad bumalik si Pedro sa bangka at kinaladkad ang lambat na puno ng isda. Talagang eager na eager si Pedro.
Eager din ba tayo na makapiling si Jesus? Pagkatapos ng apatnapung araw ng kuwaresma at ng matitinding araw ng Semana Santa, sana naman kumukulo pa rin sa damdamin natin ang pagnanais kay Jesus. Kaya patuloy pa rin sana tayo na lumalapit sa kanya sa panalangin, at may malaking kahandaan pa tayong gawin ang anumang utos niya.
Pagkakain nila, itinabi ni Jesus si Pedro at nagkaroon sila ng personal na pag-uusap. Kahit na alam ni Jesus ang pagkukulang at kahinaan ni Pedro, may tiwala pa rin siya sa kanya. Ibibigay pa rin niya sa kanya ang pangangalaga sa kanyang mga tupa. Gumawa si Jesus ng job interview kay Pedro. Hindi niya siya tinanong kung ano ang napag-aralan niya, kung saan siya nag-graduate, kung ano ang kanyang work experiences. Isa lang ang kwalipikasyong hinihingi niya: Mahal mo ba ako? Tatlong beses itong tinanong ni Jesus. Medyo nailang si Pedro sa tatlong paulit-ulit na tanong. Hindi ba si Jesus naniniwala sa kanya? Tatlong beses siya tinanong at tatlong beses ipina-ubaya sa kanya ang kanyang tupa. Kailangan ng pag-ibig kay Jesus kasi ang mga tupa na aalagaan niya ay tupa niya. Kung may pag-ibig siya kay Jesus magagampanan niya ang lahat. Tandaan natin, ang pag-ibig ay kay Jesus at hindi pag-ibig sa mga tupa o pag-ibig sa trabaho. Maaari din kasing mangyari na nagustuhan natin ang trabaho para sa Panginoon na nakalimutan na natin ang Panginoon. We can be taken up by the work for the Lord that we pay less attention to the Lord himself. Kaya may mga tao, kahit na pari at madre pa, na masyadong busy sa kanilang misyon na hindi na sila nakakapagdasal. Wala na silang panahon na kausapin ang Panginoon mismo. Ito ay magandang paala-ala sa atin.
Napakalakas ng impact ni Jesus na muling nabuhay sa mga apostol na noong siya ay umakyat na sa langit, patuloy pa rin silang nagpapahayag tungkol sa kanya. Ang akusasyon sa kanila ng pinakapunong saserdote sa ating unang pagbasa ay: “Laganap na sa Jerusalem ang inyong aral at ibig pa ninyo kaming panagutin sa pagkamatay ng tayong ito.” Pero hindi mapatahimik ang mga apostol, kahit ng pinakamataas na autoridad ng mga Hudyo. Matapang ang sagot nila na ang Diyos ang dapat nilang sundin at hindi ang tao. Pinapatay ng mga leaders ng mga Hudyo si Jesus ngunit muling binuhay, iniakyat sa langit at ngayon ay nakaupo na sa kanan ng Diyos Ama. Pinapahayag nila ito upang magsisi ang mga tao sa kanilang mga kasalanan para sila mapatawad. Saksi sila sa mga bagay na ito. Hindi lang sila matapang na magpahayag. Natuwa pa sila na sila ay pinahiya alang-alang kay Jesus. Para sa kanila karangalan ang magdusa para kay Jesus. Talagang malaking pagbabago ang nangyari sa mga apostol. At malaking pagbabago din dapat ang mangyari sa atin dahil sa muling pagkabuhay ni Jesus. Matagumpay siya at magtatagumpay din tayo kung committed tayo sa kanya.
Kailangan natin ang pananalig at tapang na ito na isang linggo na lang mag-eeleksyon na tayo. Mahalaga ang halalang ito. Nakataya dito ang kinabukasan ng ating bansa. Susulong ba tayo o uurong uli? Magkakaroon na ba ng makabagong politika o babalik tayo sa dati, na ang naghahari ay political dynasties, pera, pandaraya at paglilinlang sa tao? Talagang malaki ang contrast ng magkabilang fuerza. Sa isang dako nandiyan ang fuerza ng volunteerism, fuerza ng pagmamahal – it is more radical to love – at ng mga ordinaryong mamamayan na kumikilos at nagtutulungan. Sa kabilang dako naman nandiyan ang nagkaisang fuerza ng mga manlilinlang, ng pag-aabuso, at ng corruption. Nagkaisa na ang lakas ng mga Marcos, mga Duterte, mga Macapagal Arroyo, mga Ejercito, mga Romualdez at Enrile, at marami pang political dynasties. Hawak nila ang pera, ang mga trolls, ang mga agencia ng gobyerno, ang kapulisan. Ang grupo nila ang namimili ng boto. Ito lang naman kasi ang alam nila at ginamit nila ito para manalo. Malakas laban sa mahina.
Noong 1571 nagkaroon ng digmaan sa dagat ng Lepanto, Greece. Malaki ang fuerza ng mga Ottoman Turks laban sa maliit na fuerza ng mga Katoliko. Nanawagan ang Santo Papa noon na si Papa Pio ika-lima na magdasal ng Rosaryo ang mga mananampalataya. Wala silang maaasahan kundi ang Mahal na Birhen. Nangyari ang himalang inaasahan. Natalo ang Ottoman Turks at kinilala nila na ito ay dahil sa tulong ng Mahal na Ina ng Santo Rosaryo, kaya itinalaga ang October 7 na fiesta ng Santo Rosario. Sa araw na ito naganap ang digmaan sa Lepanto. Nanalo ang mahina laban sa malakas!
Noong 1646, pinasok ng maraming mga barkong pandigma ng mga Olandese ang Manila Bay. Kahit na kakaunti lang ang mga barko at sundalong mga Kastila at Pilipino, natalo nila ang mga Dutch. Ito din ay dahil sa pagdarasal ng Santo Rosaryo ng mga mananampalataya sa Maynila. Kinilala din ito na isang himala ng Mahal na Birhen, kaya mayroon tayo ngayon na malaking prosesyon ng La Naval tuwing Oktubre. Nanalo uli ang mahina laban sa malakas.
Ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita na malaki ang nagagawa ng pagdarasal sa Mahal na Ina sa mga panahon ng kagipitan. Dahil dito nanawagan ang mga labing apat na mga obispo ng Metropolitan Province ng Maynila na pinangungunahan ni Cardinal Advincula na ang lahat ng mga Katoliko ay magdasal ng Santo Rosaryo sa kanilang mga tahanan mula ngayon hanggang sa Mayo 9, ang araw ng halalan, upang ang halalan natin ay maging mapayapa at makatotohanan, at ang mga Pilipino ay magabayan na pumili nang maayos at huwag magpatakot o magbenta ng boto. Sana ang mga manalo ay hindi ang mga tradisyonal na politicians kundi ang taong bayan. Ipagdasal din natin na ang COMELEC ay maging makatotohanan at huwag magpagamit sa sinumang politiko. Sana ipakita nila na sila ay kapanipaniwala sa mata ng taong bayan.
Huwag po tayong matakot at mawalan ng pag-asa. Si Jesus ay muling nabuhay. Magtatagumpay ang katotohanan at ang kabutihan. Isulong natin ito sa ating mga panalangin araw-araw. Magdasal po tayo ng Santo Rosaryo sa ating mga pamilya.