453 total views
Nakikiisa ang simbahang katolika sa panawagan at pagsusulong ng P750 minimum wage kasabay ng pagdiriwang ng International Labor Day.
Ito ang mensahe ni Father Erick Adoviso-minister ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC)upang makasabay ang mga manggagawa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Yung P537 hindi na kakayanin ng isang pangkaraniwang manggagawa hindi nayan makakabili ng isang kabang bigas yan,” ayon kay Fr. Adoviso sa panayam ng Radio Veritas.
Nawa ayon pa kay Father Adoviso na sa nalalapit na halalan ay piliin ng 67 milyong botante ang mga kandidato na may pagpapahalaga sa manggagawa at tuluyan nang maisantabi ang ‘contractualization’ na nagpapahirap sa mga Filipinong manggagawa dahil sa kawalang seguridad sa trabaho.
Kasabay din ng Kapistahan ni San Jose Manggagawa ay binigyang pagkilala ni Fr. Nolan Que ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) National Capital Region Trustee ang sakripisyo ng mga manggagawa
Ito ay kasabay ng mensahe para sa mga botante na gamiting pagkakataon ang halalan upang pumili ng mga susunod na lider na tunay na magsisilbi sa bayan.
Panawagan pa ng pari na iboto ang mga kandidatong isasabuhay ang demokrasya, pamamayani ng katarungan sa lipunan at pagpapahalaga sa paghubog sa mga kabataang mag-aaral.
“Like St. Joseph, the Worker who was given the noble task of taking care and watching over Jesus and the Virgin Mary, let us do our noble task to take care of our country, to watch over our rights and dignity as Filipinos and serve as models to younger generations by voting wisely and morally for the future of our country,” ayon sa mensahe ng Pari.
Taong 1903 ng unang beses na gunitain ang Araw ng Paggawa sa Pilipinas, May 1, 1913 ng maisabatas ang taunang pagdiriwang ng Labor Day matapos bumuo at magkatipon ang 36 na unyon para sa labor congress.