445 total views
Nakikiisa ang Caritas Philippines sa pagdiriwang ng mga Muslim sa Eid Al-Fitr.
Sa pahayag ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, mananatiling magkatuwang ang mga Kristiyano at Muslim bilang magkakapatid anumang oras.
“In good times or in bad, we have journeyed together to serve both our Christian and Muslim brothers and sister,” pahayag ng Caritas Philippines.
Tinukoy ng Caritas Philippines ang Zamboanga at Marawi Siege na malubhang sitwasyon kung saan mas pinaigting ang pagtutulungan ng magkabilang panig.
“The Zamboanga siege gave us the opportunity to work together for peace. The Marawi Siege enlightened us more to join hands to empower especially the young and the vulnerable,” pagbabahagi ng social arm ng simbahan.
Bukod pa rito ang pagtutulungan para isulong ang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa na inilunsad lalo na sa Mindanao.
Kabilang dito ang pagtutol sa operasyon ng pagmimina sa Marbel, South Cotabato at Mati City, Davao Oriental kung saan higit na apektado ang mga Muslim at mga katutubong pamayanan.
Samantala, tiniyak din ng simbahan ang pagpapaigting ng pagtutulungan para sa mas matatag na lipunan.
“Together, we are stronger. Our voices are heard and considered. Together we become better,” saad ng Caritas Philippines
Nagsimula ang banal na buwan ng Ramadan o ang isang buwang pag-aayuno ng mga Muslim noong Abril 2, 2022 at magtatapos ngayong Mayo 3, 2022