302 total views
Binisita ni French Ambassador to the Philippines Michèle Boccoz ang Smokey Mountain sa Balut, Tondo, Manila upang alamin ang kalagayan ng mga naninirahan sa lugar.
Sa pag-iikot sa Smokey Mountain, ikinabahala ni Boccoz ang kalagayan ng mga mahihirap na pamilyang naninirahan sa lugar lalo na ang mga bata na karamihan ay dumaranas ng malnutrisyon.
“I’m really worried looking at the children ’cause some of them are so small, I guess they have stunting problems and nutrition is so essential for their future,” bahagi ng pahayag ni Boccoz sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng kinatawan ng French government sa bansa na maliban sa kahirapan ay marahil nakadagdag pa lalo sa dinaranas ng mga taga-Smokey Mountain ang pag-iral ng pandemya.
Nakasama rin ni Boccoz sa pag-iikot si Caritas Manila executive director Father Anton CT Pascual kung saan namahagi ito ng mga masustansiyang pagkain para sa mga bata at gift certificates bilang tulong sa mga pamilya.
Ikinatuwa ni Fr. Pascual ang pagdalaw ng French diplomat dahil nasaksihan nito ang ginagawa ng Caritas Manila sa pamamahagi ng tulong at suporta para sa mga higit na nangangailangan.
“Napakahalaga na tayo ay napagkakatiwalaan lalong lalo na ang Caritas Manila at salamat sa Diyos at may mga ganitong leaders tulad ni Ambassador Michele Bocooz ng France na gustong dumalaw at makita ang ginagawa ng Caritas,” pahayag ni Fr. Pascual.
Samantala, nabanggit ni Boccoz na ang French government ay sinisikap na makapagpaabot ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas lalo na sa mga mahihirap na komunidad.
Tinukoy nito ang iba’t ibang programa tulad ng pagtatanim ng mga prutas at gulay na maaaring pagkunan ng pagkain at negosyo.
“We are trying to help the population to know how to prepare their own compost, we give them seeds, we teach them how to grow their vegetables so that they can have free food or even they can grow more and they can sell it on the market,” ayon kay Boccoz.
Layunin din nitong itaguyod ang kahalagahan ng edukasyon maging ang pagpapabuti sa kalusugan ng mga nasa mahihirap na pamayanan.
Nagpapasalamat naman si Fr. Melky Ukat, SVD, ang kura paroko ng Risen Christ Parish, Smokey Mountain para sa pagbisita ng kinatawan ng French Government sa bansa.
Ayon kay Fr. Ukat na ang pagbisita ng French Ambassador ay isang malaking suporta lalo na’t ang populasyon ng Smokey Mountain ay binubuo ng “poorest of the poor”.
“Masayang-saya ako bilang parish priest kasi kahit papaano may konting tulong tayo [mula sa French government]. Ang pagbisita nilang ito ay isang suporta sa amin lalo na’t majority dito ay poorest of the poor. So ito ay isang pasasalamat at malaking tulong dito,” pahayag ni Fr. Ukat.
Pebrero nang nakaraang taon nang italagang French Ambassador ng Pilipinas si Boccoz, kung saan nangako itong palalalimin ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas at Pransya sa larangan ng depensa, ekonomiya at kalusugan.