465 total views
Kinatigan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagpapatigil ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Online-Sabong (E-Sabong).
Ayon kay Boac Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit – CBCP Episcopal Commission on Social Communication Chairman ipinapakita ng desisyon ng punong ehekutibo ang pagkakaroon ng malasakit para sa mga pamilya at indibidwal na negatibong naapektuhan ng E-Sabong.
“Ibig sabihin ay hindi na lamang ang mga sinasabing financial benefits ang nakita niya, kung di pati na rin ang maraming naging at nagiging NEGATIVE EFFECTS nito sa mga taong naglalaro nito kasama ang mga taong na sa paligid nila (pamilya, kaibigan, katrabaho o kakilala), ganoon na rin sang-ayon sa nakita na pati na rin sa loob ng pamahalaan,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Obispo sa Radio Veritas.
Paninindigan ni Bishop Maralit, kailanman ay walang mabuting maidudulot ang pagkalulong sa sugal at hindi mahihigitan ng benepisyo sa buwis mula sa e-sabong na natatanggap ng pamahalaan ang pinsalang idinulot nito sa lipunan.
“Hindi na rin kasi ito usapin lamang ng ekonomiya at legality, kung di ito din ay malinaw na usaping moral at pampamilya. The NEGATIVE EFFECTS IT HAS AND WILL HAVE CAN NEVER BE OUTWEIGHED by its supposed BENEFITS,” ayon pa kay Bishop Maralit.
Pananalangin ng Obispo na muling ng makabangon mula sa pagkalugmok ang mga nalulong sa sugal at mahanap ng kanilang kamag-anak ang mga nawawalang indibidwal.
“Sa mga kapamilya naman ng mga nawawala at sinasabing dinukot dahil sa E-Sabong, ang dasal ko po ay sana ay matagpuan na sila, magkaroon ng linaw ang lahat at maparusahan ng batas ang mga nagkasala at may gawa nito,” ayon sa pananalangin ng Obispo para sa mga pamilya.
Ito ay dahil bukod sa pagkalulong sa sugal ay umabot sa 34-indibidwal ang nawawala na inuugnay sa e-sabong ayon sa Philippine National Police.