276 total views
Mga Kapanalig, pinirmahan ni Pangulong Duterte noong nakaraang Miyerkules ang Republic Act No. 11696 o ang Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022. Isinabatas ito limang taon matapos pumutok ang giyera sa lungsod dahil sa pagpasok doon ng mga kasapi ng Maute Group na itinuturing ng pamahalaan bilang isang teroristang grupo.
Itatatag ng nasabing batas ang Marawi Compensation Board na tatanggap at susuri sa mga aplikasyon para sa monetary compensation. Ang Marawi Compensation Board ay kabibilangan ng isang doktor, isang certified public accountant, isang guro o educator, at isang lisensyadong engineer. Dapat ding abogado ang tatlong miyembro ng board, at mas mabuti kung sila ay mga Maranao. Dalawa naman ang magmumula sa civil society organizations, at ang isa sa kanila ay dapat na Sharia lawyer o Muslim traditional leader.
Makatatanggap ng danyos perwisyo ang mga kaanak ng mga residenteng namatay (o pinaniniwalaang namatay) at nawalan ng ari-arian sa gitna ng digmaang nagsimula noong Mayo 2017 at tumagal ng limang buwan. Bibigyan sila ng isang taon upang magpasa ng kanilang application. Hindi na rin pagbabayarin ng buwis ang mga may-ari ng mga nasirang gusali sa loob ng tinatawag na main affected areas (o MAA) at other affected areas (o OAA). Babayaran din ng pamahalaan ang mga may-ari ng gusaling sinira upang bigyang-daan ang rehabilitasyon ng Marawi.
Hindi kailanman matutumbasan ng anumang halaga ang sakripisyo at paghihirap na pinagdaanan ng mga kababayan natin sa Marawi dahil sa kaguluhang hindi naman nila kagustuhan. Gayunman, malaking tulong ang danyos perwisong matatanggap ng mga biktima ng giyera matapos maipasa ang Marawi Siege Victims Compensation Act, at hangad nating magiging madali at mabilis ang pagtanggap ng kompensasyon ng mga biktima. Makatutulong ito sa kanila sakaling payagan na silang makabalik sa dati nilang tirahan at itayong muli ang kanilang tahanan at kabuhayan.
Hindi man kasama sa mga maaaring mabigyan ng kompensasyon ang mga kababayan natin doon na hindi nagmamay-ari ng anumang gusali at walang ari-arian, bibigyan naman daw sila ng pabahay. Sila ang karamihan sa mga pamilyang hanggang ngayon ay hindi pa rin nakababalik sa Marawi. Sa datos ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, hindi bababa sa 17,000 pamilya (o mahigit 85,000 na indibidwal) na naapektuhan ng Marawi siege ang hindi pa rin nakababalik sa lungsod. Binubuo nila ang pinakalamaking bahagdan ng mga displaced persons sa Mindanao. Libu-libo pa rin ang mga nasa tinatawag na transitory sites kung saan pahirapan ang mga pagkakaroon ng hanapbuhay at pagkamit ng mga batayang serbisyo. May ilan nang inilipat sa mga pabahay ng gobyerno ngunit kilu-kilometro ang layo ng mga ito sa lungsod kung saan sila noon naghahanapbuhay.
Malayo pa ang lalakbayin ng mga kababayan natin sa Marawi upang itayong muli hindi lamang ang kanilang mga bahay kundi pati ang kanilang buhay. At malaking bahagi nito ang pagtatatag ng tunay na kapayapaan sa lipunang kanilang kinabibilangan. Ang kapayapaang ito, wika nga ni Pope Paul VI sa ensiklikal niyang Populorum Progressio, ay hindi lamang ang kawalan ng giyera. Ito ay nakakamit sa unti-unting pagtatatag ng kaayusang niloloob ng Diyos at naggagawad ng katarungan sa lahat. Kung maipatutupad nang tama, ang Marawi Compensation Act ay isang hakbang tungo sa pag-iral ng katarungan, pagtulong sa mga mahihirap, at pagtatanggol sa mga ulila at biyuda, katulad ng mababasa natin sa Isaias 1:17.
Mga Kapanalig, malaki ang implikasyon ng resulta ng darating na eleksyon sa maayos na pagpapatupad ng Marawi Compensation Act. Tiyakin nating ang pipiliin nating mga pinuno ng bayan ay iyong tunay na kumakalinga sa mga kababayan nating Maranao at napatunayan nang tumutulong sa paghilom sa Marawi. Tiyakin nating mapakikinabangan ng mga kababayan natin ang batas na ito.
Sumainyo ang katotohanan.