610 total views
Hinamon ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo na manindigan sa katotohanan para sa ikabubuti ng bayan.
Ito ang apela ng obispo kasunod ng pag-endorso ng pamunuan ng I-N-C sa kandidatura nina Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang pangulo at Davao City Mayor Sara Duterte bilang pangalawang pangulo.
Ayon sa obispo bagamat kilala sa bloc voting ang grupo mahalagang sundin ng mga kasap ang konsiyensya at ihalal ang mga kandidatong nagtataglay ng katangian ng isang mabuting lider.
“Yan naman talaga ang gawa ng I-N-C mag-endorse; para sa akin power bloc under the clothe of religion sila so magpakatotoo sana ang I-N-C this time yan ang challenge ko sa kanila, sundin ang konsiyensya,” pahayag ni Bishop Tobias sa Radio Veritas.
Apela ni Bishop Tobias sa mamamayan lalo na sa 67-milyong botante na pagnilayang mabuti ang pagpili ng mga lingkod bayan para sa kapakinabangan ng bawat isa lalo na ang susunod na henerasyon.
Bagamat batid ng obispo ang bloc voting ng I-N-C naniniwala pa rin ito sa mga Pilipinong pipili ng lider na may kakayahang mamuno at may malinis na track record sa pamamahala sa bayan.
Sa datos humigit kumulang sa tatlong milyon ang mga kasapi ng I-N-C sa buong mundo kung saan naniniwala si Bishop Tobias na hindi ito lahat rehistrado upang makalahok sa halalan o tinatayang dalawa hanggang tatlong porsyento lamang ito sa 67-milyon rehistradong botante.
Patuloy ang panawagan ng simbahang katolika na ipanalangin ang nalalapit na 2022 national and local elections upang maisagawa ito ng matapat, maayos, malinis, makatotohanan, makatarungan at pumapanig sa bayan.