210 total views
Kapanalig, ilang araw na lang, eleksyon na. Nakapamili ka na ba ng mga bobothihin mo sa darating na lunes?
Mainit na mainit na ang panahon, napaka-init pa ng labanan sa pulitika ngayon. Pero kapanalig, hindi ka dapat malito. Ang tunay na lingkod-pinuno o servant leader ay iyo ring matatamo kung pipili ka ng ayon sa tama. Ano ba ang pamantayan mo sa pagpili ng pinuno?
Nagsisisi ka ba sa mga binoto mong mga pinuno nitong nakaraang eleksyon? Napabuti ba nila ang buhay mo, lalo pa’t dumating ang pandemya sa ating mundo? Natulungan ka ba nila? Naging kaagapay mo ba sila sa iyong pagbagsak o pag-asenso nitong anim na tao?
Sana ay magsilbing leksyon ang ating mga pinagdaanan bilang isang bansa nitong nakaraang anim na taon. Ang leksyon kapanalig, ay nagmumula sa maganda at pangit na pangyayari – lahat ng iyan ay may tinuturo sa atin. Sana naman ay ating namang ma-apply ngayong Lunes. Nakakapagod na rin kasi, diba? Ang bansa natin hanggang ngayon mahirap pa rin, at mas lalo pa ngang naghihirap. Malaking salik o factor ang ating pulitika sa paghihirap na ito.
Ayon nga sa isang pag-aaral, ang pulitika sa ating bansa ay patronage-driven at candidate-centered. Hindi tayo nakatingin sa track record o plataporma, kaya nga kahit walang alam, nailuluklok natin sa pwesto. Dahil lang sa kanilang apelido o kaalyado, kahit wala naman silang nagawa, sige iboboto natin.
Sabi rin ng pag-aaral na ito, ang mga partidong pampulitikal sa ating bansa ay mga koalisyon lamang ng mga “provincial bosses, political machines, at local clans, na naka-ugat sa clientelistic, parochial, at personal inducements kaysa sa mga issues, ideologies, at party platforms.” Ang babaw diba, kapanalig? At ang layo sa adhikain at pangangailangan ng mga mamamayan.
Kapanalig, kailangan natin buksan ang ating mga mata at puso. Kailangan natin tumutok sa mga kandidatong tunay na nagsisilbi sa bayan at tunay na kumikilala sa ating dangal at dignidad. Ang mga kandidatong nakikita lamang nating tuwing eleksyon ay “objects” lamang ang tingin sa atin: mga tangang tagaboto na regular na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan at trabaho. At dahil pumapayag tayong maging kasangkapan lamang, pagkatapos ng eleksyon, wala na naman tayong kwenta. Hindi pa ba tayo napapagod? Hindi ba kayo natatakot? Nung huli tayong nagpanalo ng mga kandidato, marami sa atin ang namuhay sa dilim, maraming pamilya ang nalagasan ng miyembro, at marami sa atin ang nawalan ng trabaho. Ang mga dinastiya at pulitikong ating iniluklok ay hinayaang lamang mangyari ito, habang tayo nabubulag-bulagan.
Bumoto tayo sa mga pinunong subok na natin kapanalig. Bumoto tayo sa walang bahid ng korapsyon o kasinungalingan. Bumoto tayo sa tunay na tumutulong sa mga nasa laylayan. Huwag tayong magpadala sa pera, pangako, o kapangyarihan. Paalala sa atin ng Evangelii Gaudium: People in every nation enhance the social dimension of their lives by acting as committed and responsible citizens, not as a mob swayed by the powers that be.
Sumainyo ang Katotohanan.