194 total views
Isa sa mga mahahalagang isyu ng ating mundo ngayon ay ating kalikasan, At kung ang napupusuan mong kandidato upang mamuno sa lokal at nasyonal na lebel ay walang pakialam dito, malaking pagkakamali ang ibigay mo sa kanila ang boto mo.
Ang ating mundo ay nasa climate crisis ngayon at dama na natin ang epekto ng pag-init ng mundo na nagmula rin sa mga gawain ng sangkatauhan. Ayon sa mga siyentipiko, ang global climate ay patuloy pang tataas ngayong siglo. At sa pagtaas nito, ang mga bulnerableng bansa gaya ng Pilipinas ang unang magdudusa. Magiging mas madalas pa ang mga bagyong singlakas ng Typhoon Yolanda noong 2013 o Typhoon Ulysses noong 2020.
Maliban sa pag-bagyo, ang climate change ay nagdudulot din ng mas maraming volume ng pag-ulan. Tinatayang dadami pa ang extreme rainfall sa ating bansa sa pagitan ng 2020 at 2050 dahil sa global warming. Kapag mas madalas ang extreme rainfall kapanalig, mas madalas din ang pagbaha at pagguho ng lupa. Mas maraming sakit din ang maaaring kumalat sa malimit na pag-ulan. Mababawasan din nito ang productivity sa ating bayan.
Pati ang ating karagatan ay hindi makakaligtas sa climate change. Tinatayang 98% ng mga coral reefs sa Southeast Asia ay mamamatay pagdating ng 2050, at maaaring maging extinct pa sa pagtapos ng siglong ito. Liliit din ng mga 50% ang mga huli sa ating karagatan sa pagitan ng 2051 at 2060.
Ayon nga sa IPPC Assessment, ang climate change ay maglilikha ng mas maraming maralita sa buong mundo mula ngayon hanggang 2100. Ang Pilipinas, maaaring mabawasan ang GDP ng 6% kada taon mula 2100 kung hindi natin papansinin ang banta ng climate change.
Sa hanay ng ating presidentiables, dalawa lamang ang itinuturing na “green candidates” ng mga coalition of environment groups (Robredo at de Guzman), at sa bise, isa lamang (Pangilinan). Kilatisin nating mabuti kapanalig, ang atin mga manok ngayong eleksyon – baka makapili tayo ng taong magtutulak pa sa atin sa kapahamakan.
Hindi biro ang problema natin sa kalikasan, kapanalig. Mas matindi pa ito sa pandemyang ating dinaranas ngayon. Kung hindi natin ito haharapin, kikitilin nito ang buhay natin, pati na ng susunod na henerasyon.
Ayon sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good: ang isyu ng climate change ay ukol sa pagprotekta sa ating kapaligiran. Ito ay tungkol sa pangangasiwa ng tao sa mga nilikha ng Diyos at sa ating pananagutan sa mga susunod sa atin. Kung ang ating pipiliing pinuno at walang pakialam dito, wala din itong pakialam sa kinabukasan natin.
Sumainyo ang Katotohanan.