339 total views
Hinihikayat ni Caritas Philippines national director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang sambayanang Filipino na ipanalangin ang mga guro, volunteer at mga grupong nangangasiwa sa halalan.
Ayon kay Bishop Bagaforo, nawa ang bawat isa ay maging ligtas mula sa panganib lalo’t ilang lugar sa bansa ang bahagi ng ‘election hotspots’ at ‘areas of concerns’ dahil na rin sa mga ulat ng karahasan dahil sa halalan.
“Napakaimportante ng inyong katungkulang tinanggap. Napaka-importante po ng role ng bawat isa sa atin, pakiusap ko po ay huwag tayong mapagod, huwag tayong matakot at higit sa lahat in the performance of our duties huwag kalimutan ang magdasal. The inspiration that will come from the Holy Spirit,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Sa panig ng simbahan, kabilang sa nangangasiwa sa 2022 National and Local Elections ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting at ang Halalang Marangal ng social action centers ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa iba’t ibang diyosesis.
Tiniyak din ng obispo ang tulong ng simbahan sa mga pangangailangan at suporta sa mga volunteer ng simbahan.
“Nakikiisa tayo na sana with your help we are making a legacy for the future generation. Lakas loob lang po, mahirap ang trabaho pero ang gamtimpala ay para sa kinabukasan ng sambayanan.” Dagdag pa ng obispo.
Tinatayang may higit sa 500-libo ang mga volunteer ng PPCRV sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa para bantayan ang higit sa 100-libong polling precincts gayundin sa gagawing parallel counting sa University of Santo Tomas.