358 total views
Ipinapanalangin ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio na tunay na magsilbing lingkod bayan ang sinumang mga opisyal na maihahahal sa National and Local Elections 2022.
Ayon sa Obispo, nawa ay tunay na isabuhay at gampanan ng sinumang maihahalal na mga bagong opisyal ng bayan ang kanilang tungkulin na magsilbi at maglingkod ng tapat para sa kapakanan at kabutihan ng taumbayan.
Nanawagan naman si Bishop Florencio sa mga kandidato na hindi papalaring manalo na tanggapin ang desisyon ng taumbayan at patuloy na manalig sa kaloob ng Panginoon sa buhay ng bawat isa.
“I also pray that whoever gets the will of the people may with all sincerity and honesty serve according to his capability. For those who did not make it, may this be a moment of grace and hope that one day everything will just take place according to God’s design.” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Samantala tiniyak naman ni Bishop Florencio na siya ring Vice Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care ang pakikipagtulungan at suporta sa sinumang maihahalal na mga bagong opisyal ng pamahalaan.
Inihayag ng Obispo na malugod niyang tatanggapin at susuportahan anuman ang maging resulta ng National and Local Elections 2022.
“I sincerely and calmly accept that whatever is the outcome of the local and National elections 2022. I will gladly abide and support whoever he or she maybe in serving our people and country.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Sa tala ng Commission on Elections (COMELEC) aabot sa mahigit 18,000 posisyon sa pambansa at lokal na pamahalaan ang kinakailangang mapunan ng National and Local Elections 2022 na kinabibilangan ng pinakamataas na mga lider ng bansa sa pangunguna ng pangulo, pangalawang pangulo, mga mambabatas at mga pinunong panglalawigan sa buong bansa