641 total views
Pinaalalahanan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na pangalagaan ang kalusugan laban sa nararanasang init ng panahon.
Ayon kay CBCP Health Care Ministry Vice Chairman at Military Bishop Oscar Jaime Florencio, mahalaga ang patuloy na pag-iingat tuwing lalabas ng tahanan dahil sa matinding init ng panahon na maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng karamdaman.
Sinabi ng Obispo na napakalaking tulong ng pagdadala ng pananggalang tulad ng payong, gayundin ang palagiang pag-inom ng tubig upang maibsan ang uhaw at mapanatiling maayos ang temperatura ng katawan laban sa dehydration at posibilidad ng heat stroke.
“Let’s drink more fluids lalong lalo na ang tubig because ito po ay kailangan natin na dapat hindi tayo madehydrate. Lalong lalo na ‘yung mayroong mga kapansanan, may sakit at tsaka ‘yung mga elderly natin. ‘Yun po ay dapat na more prudent,” ayon kay Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Maliban sa panahon ng tag-init, ikinabahala rin ni Bishop Florencio na ang kapabayaan ng mga tao ang nagiging dahilan ng lalo pang pag-init ng temperatura ng daigdig.
Kaya hinamon ng obispo sa bawat isa na isabuhay ang ecological conversion o pagbabago tungo sa simpleng pamumuhay upang mapangalagaan ang inang kalikasan laban sa tuluyan nitong pagkasira dulot ng climate change.
“We have to do something. Let us not destroy our environment dahil ito po ay para bang bumabalik sa atin kung whatever we do. Dapat mahalin din natin ang kalikasan because kung minsan ang kalikasan na ‘to ay gumaganti sa atin tulad ng global warming,” saad ni Bishop Florencio.
Batay sa climate heat index ng PAGASA, naitala nitong May 16, 2022 ang 47-degrees Celcius na init ng panahon sa Aparri, Cagayan – ang kasalukuyang pinakamainit na temperatura sa bansa.