391 total views
Mananatiling prayoridad ng Department of Agriculture (DA) ang pagtugon sa krisis ng kagutuman at malnutrisyon sa bansa.
Inihayag ni Dr.Fermin Adriano, Undersecretary for Policy Planning ng Department of Agriculture na ito ang layunin sa paglulunsad ng kagawaran ng National Agriculture & Fisheries Modernization & Industrialization Plan (NAFMIP).
Tiwala si Adriano na patitibayin ng NAFMIP ang food security o sapat at abot-kayang pagkain sa Pilipinas.
“Kailangan nating tignan yung entire value chain para mapababa natin yung presyo ng konsyumer kasi mataas na nga po yung hunger at malnutrition dahil sa mahal ng presyo. Mapapababa natin sa pamamagitan ng pagpapataas ng produksyon,” ayon sa pahayag ni Adriano sa Radio Veritas.
Ayon kay Adriano, sa tulong ng NAFMIP ay paparamihin ang lokal na produksyon ng agricultural products upang bumaba ang halaga sa mga pamilihan.
Ipinapanalangin ni Adriano na ipagpatuloy ng papalit na administrasyon ang mga programang inilunsad ng D-A.
“Kami po nananalangin na sana ipagpatuloy nila. Ang pagtingin po natin sa proyektong to, hindi lang tayo nakatutok doon sa produksyon ngayon yung ating framework/product ay nanggagaling doon yung ating programa at proyekto. Tinitignan natin yung tinatawag na entire food system or value chain sa layman’s term from farm to doon sa table,” pagbabahagi pa ni Adriano.
Unang nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na bigyang prayoridad at tulungan ang lokal na sektor ng agrikultura upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng pagkain ang bansa.