569 total views
Patibayin muna ang mga programa at sistema bago pabalikin sa face-to-face classes ang mga mag-aaral sa basic education system.
Ito ang mungkahi ng Teachers Dignity Coalition (TDC) matapos suportahan ng Inter-Agency Task Force ang panunumbalik ng face-to-face classes ng mga mag-aaral na nasa mababang baitang sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan.
“Kaya naba ng ating mga building na i-accomodate yung sabay-sabay na pagpasok ng ating mga mag-aaral? So while we recognize that there is a need for the resumption of face to face classes ay kinakailangang planuhin natin ito ng mabuti,” pahayag sa Radio Veritas ni Benjo Basas – Chairperson ng TDC.
Inirekomenda ni Basas na sakaling ipatupad ang hakbang ay dapat magkaroon ng blended scheme kung saan mananatili ang mga online at modular learning systems.
“Ang DEPED ang sinasabi niya it would still be blended so there some features of the current system na ginagamit natin na gagamitin parin kahit pa sinabing mayroong face to face. Halimbawa for a week, face to face yung isang group, yung isang set ng mga bata, and then the following week naman sila ay online. Sila ay gagamit ng distance learning modalities,” ayon pa kay Basas.
Kinikilala rin ni Basas ang hakbang na hindi magiging mandatory ang vaccination ng mga mag-aaral sa panunumbalik ng face to face classes.
Ayon sa pinakahuling talaan ng Department of Education ngayong Mayo, umaabot na sa mahigit 26-libong public schools at mahigit 700-private schools na ang nagdaraos ng limited face to face classes sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.