466 total views
Inaasahan ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) na bibigyang prayoridad ng susunod na kalihim ng Department of Education (DepEd) ang krisis na kinakaharap ng sektor ng edukasyon dulot ng COVID 19 pandemic.
Ito ay matapos italaga ni Presumptive President Ferdinand Marcos Junior si Presumptive Vice-president Sarah Duterte bilang susunod na DEPED Secretary.
Ayon kay Alan Arellano, executive director ng C-E-A-P, maaring makatulong ang popularidad ng incoming Vice-President upang maimpluwensiyahan ang mga kabataan tungo sa mabuting landas.
“Her popularity may be an asset to influence the young people to be better Filipinos. If indeed she will be the one to run the department, we hope that she could address the education crisis we are facing. In the days to come, she may be consulting the education stakeholders. We are willing to be part of that process,” pahayag ni Arellano sa Radio Veritas.
Bagamat itinanggi ni VP Duterte ang pagsusulong ng Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) ay ipinahayag ng C-E-A-P ang kahandaang tumulong sa pagbabalangkas ng mga patakaran sakaling ipatupad ang mandatory ROTC.
“Kung magiging bahagi eto ng kurikulum, tutulong kami sa pagbalangkas ng mga nararapat na pagpapahalaga na dapat matutuhan ng kabataan na magiging makadiyos, makabayan, makatao at makakalikasan,” pagbabahagi ni Arellano
Nanindigan din ang CEAP na kailanman ay hindi mababago ang katotohanan.
Ito ay dahil sa pangamba ng ibat-ibang religious at youth groups na baguhin ng susunod na administrasyong Marcos ang kasaysayan ng bansa at tanggalin ang tala at opisyal na datos ng Martial Law.
Ayon kay Arellano, magpapatuloy ang Catholic at Private Schools na ituro sa mga kabataan ang katotohanan at pagbibigay ng aralin na patitibayin ang pagtitimbang ng isang mag-aaral upang laging piliin ang tama.
Ayon sa opisyal na talaan ng CEAP, aabot sa mahigit 1,600 na Catholic at Privates schools ang kasapi sa hanay ng institusyon.