803 total views
Tiniyak ng social arm ng Archdiocese of Manila ang pagpapalakas ng economic empowerment program para tulungan ang mahihirap na maingat ang antas ng pamumuhay.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Father Anton Pascual at Executive Director ng Caritas Manila, ibinahagi nitong binibigyang pansin ng institusyon ang programang pang-edukasyon sa mahihirap na kabataan na unang hakbang para makaahon sa kahirapan.
“Pinalalakas ng Caritas [Manila] ang economic empowerment lalo na ang education sapagkat naniniwala tayo na education is a great social equalizer; if we want to get rid of poverty which is the problem in our country we have to educate as many as we can,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual.
Tinukoy ng pari ang Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) na nagpapaaral ng limang libong kabataan sa buong bansa sa kolehiyo at technical vocational courses.
Binigyang diin ni Fr. Pascual ang demand oriented education upang matiyak na may makukuhang trabaho pagkatapos mag-aral ang estudyante.
Tinutukan din sa YSLEP ang mga kursong may kinalaman sa agrikultura lalo’t ang Pilipinas ay agricultural country.
“Binibigyang priority ng Caritas YSLEP itong agri-entrepreneurship gusto nating magkaroon ng mga batang magsasaka using technology, kailangan they have to go back to farming using technology at saka entrepreneurial para magnenegosyo talaga,” ani Fr. Pascual.
Bukod sa edukasyon pinalalakas din ng Caritas Manila ang wage employment at self-employment programs na makatutulong sa mahihirap na magkaroon ng pagkakakitaan.
Sa ilalim ng wage employment ang workers cooperative na Caritas Et Labora na nag-aalok ng disenteng trabaho sa mamamayan lalo na ang mahihirap na may sapat na pasahod, kompletong benepisyong matatanggap at higit sa lahat ang dividendo bilang kamay-ari ng kooperatiba.
Habang sa self-employment naman ang micro-finance cooperative ang Caritas Salve na nagpapahiram ng puhunan para sa maliliit na negosyo.
“Mahalaga na matulungan din ang mahihirap na magkaroon ng negosyo, bibigyan ng puhunan, may training sa pagninegosyo at financial literacy para matuto talagang mag-negosyo,” giit ni Fr. Pascual.
Batay sa pag-aaral ng Social Weather Stations nasa 10.9 milyong pamilyang Pilipino ang aminadong naghihirap sa unang bahagi ng 2022 na ayon kay Fr. Pascual ay lubhang nakababahala.
Panawagan ng pari sa mamamayan na manatiling manalig sa Panginoon na nagbibigay pag-asa sa buong sanlibutan.