350 total views
Nakakapanghinayang kapanalig, na kahit pa advanced na ang teknolohiya sa ating mundo ngayon, marami pa rin ang walang access dito.
Gaya na lamang ang sitwasyon ng mga persons with disabilities o PWDs, na isang malaking hamon sa buong mundo sa ngayon. Ayon nga sa isang pag-aaral ng WHO at UNICEF, mahigit pa sa 2.5 bilyong katao sa buong mundo ang nangangailangan ng mga produkto at gamit na makakatulong sana sa kanila, gaya ng wheelchairs, hearing aids, o kahit apps na makakatulong sa kanila. Tinatantyang isang bilyon sa bilang na ito ay halos walang access dito. Karamihan sa kanila ay mula sa mga low and middle income countries,
Kapanalig, dito sa ating bansa, ang mga assistive devices at technology ay mahirap makuha, lalo na kapag ikaw ay mahirap. Hindi ba’t ang simpleng wheelchair nga kapanalig, ay hirap makuha ng maralitang may kapansanan sa ating bayan?
Tinatayang mga 5.1 million na bata sa ating bansa ay may kapansanan, at mga 1.5 million sa kanila ay nangangailangan ng assistive technology. Isa lamang sa dalawampung batang may kapansanan sa ating bansa ay may access sa assistive devices. Katumbas ito ng 1.46 million na bata.
Hindi nararapat na manatili ang ganitong sitwasyon. Ang kawalan ng access sa assistive devices at technology ay parang pagdaramot na rin ng kalayaan sa mga taong may kapansanan. Hindi natin sila binibigyan ng oportunidad na makilahok sa lipunan. Sa kawalan ng ganitong mga gamit, ating nililimita ang kanilang kakayahan at potensyal.
Kapanalig, ang pagkakaroon ng assistive devices at technology ay makakapagbago ng buhay ng mga PWDs – mas mapapadali ang kanilang paggalaw at partisipasyon sa ating lipunan. Sa pamamagitan ng mga gamit na ito, makakapag-aral ang mga batang may kapansanan, makakahanap ng trabaho ang mga nasa tamang edad na, makakapaglaro at makakapaglibang sila kasama ang kanilang mga pamilya at kaibigan. Kapanalig, sa pagkakaroon ng assistive devices at technologies, mas magiging aktibo, masaya, at dekalidad ang buhay ng mga may kapansanan.
Kapanalig, sa paglalakbay natin sa buhay, dapat walang iwanan. Ang pag-iwan sa mga may kapansanan ay taliwas sa ating pagkatao bilang Kristiyanong Katoliko, bilang mga anak ng Diyos. Ayon nga sa Gaudium et Spes, dapat nating pagpitagan ang tao. Inaatasan tayo ng ating Simbahan na ituring ang kapwa gaya ng pagturing natin sa ating sarili. Isaalang-alang natin ang mga pangangailangan ng kapwa upang mabuhay sila nang may dignidad, upang hindi tayo matulad sa mayamang tao na inilarawan ng Bibliya sa Lucas 16:19-31– walang pagmamalasakit sa mahirap na tao gaya ni Lazarus.
Sumainyo ang Katotohanan.