477 total views
Pinaalalahanan ni Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones ang mamamayan na itaguyod ang katotohanan sa lipunan.
Paliwanag ng obispo, malaking usapin sa ngayon ang paglaganap ng disinformation lalo na sa social media na karaniwang pinaniniwalaan ng mga nakakabasa at nakapapanood.
Tagubilin ni Bishop Billones sa mananampalataya na mag-ingat at iwaksi ang pagpapakalat ng fake news na siya ring pinagmumulan ng hidwaan.
Ang paalala ng obispo ay kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Nepomuceno noong ika-16 ng Mayo sa misang ginanap sa San Remigio Cebu.
“San Juan de Nepomuceno is teaching us that we must always uphold the truth and never fall into the trap of bitter bickering and gossiping,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Billones.
Ayon kay Bishop Billones itinuturo ni San Juan Nepomuceno ang mga nararapat gawin sa pagtataguyod sa lipunan ng katotohanan na dapat taglayin ng bawat isa.
Sa pinahuling pag-aaral ng DataReportal sa unang bahagi ng 2022, 76 na milyong Pilipino ang gumagamit ng internet na karamihan ay aktibo sa social media na lantad sa fake news.