374 total views
“Magsisimula na kaming manghingi ng resibo”.
Ito ang mensahe ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo- national director ng Caritas Philippines sa mga bagong halal na mga opisyal ng bayan sa katatapos lamang na 2022 National and Local Elections.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, sa pagtatapos ng halalan dapat na tumimo sa isip ng mga bagong opisyal ng bayan ang kanilang sinumpaan tungkulin at dapat gampanan bilang mga halal na pinili ng taumbayan upang maging mga lingkod ng bayan.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo, kabilang sa mga babantayan ng social action arm ng CBCP ay ang pagsasakatuparan ng mga halal na opisyal ang mga ipinangakong programa at plataporma noong panahon ng kampanya.
“We congratulate all the winners of the recent electoral process in the country. but we would like to remind all that as you take the oath, remember your covenant with the people, remember your promises to us, because we will not forget. Magsisimula na kaming manghingi ng resibo,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Paliwanag ng obispo, mahalaga ang pagbabantay ng taumbayan sa mga opisyal ng pamahalaan upang magkaroon ng pananagutan sa kanilang tungkulin at responsibilidad na kaakibat ng kanilang posisyon sa pamahalaan.
Giit ng Obispo, dapat na maging aktibo ang mamamayan upang maisulong ang matagal nang hinahangad na maayos, matapat at marangal na pamamahala sa bansa.
“Government accountability will only happen if people in the grassroots are empowered and equipped to ask questions and claim their inherent right to government information, quality public service, and better governance,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Ilulunsad naman ng Caritas Philippines ng nationwide post-election accountability program kasabay 40th National Social Action General Assembly na isasagawa sa General Santos City, South Cotabato.
Ayon kay Bishop Bagaforo, layunin ng programa na na mapalakas ang pakikibahagi sa pamahalaan ng publiko lalo na ang mga layko sa tinaguriang ‘principled politics’ sa pamamagitan ng paglaban sa misinformation at disinformation; gayundin ang Simbahan tungo sa pagbabago sa lipunan o social transformation; at pagtatag ng community-based good governance upang maging responsableng mamamayan.