274 total views
Hindi ba kayo napapagod, kapanalig na sa social media, kung saan halos lahat tayo ay nagpupunta? Napuno na ito ng poot at kasinungalingan. Tapos na ang eleksyon, ngunit bakit hanggang ngayon naglipana pa rin ang fake news sa ating mga newsfeed? May napili na ang taumbayan, landslide pa, pero bakit puno pa rin tayo puno ng galit? Hindi ba’t dapat tayong magbunyi dahil buhay ang demokrasya sa ating bansa?
Noong Pebrero, may survey ang SWS na nagpapakita na 77% ng mga Filipino ang nababahala sa fake news – seryosong problema ito para sa kanila. Bagamat malaking porsyento ang nagsasabi nito, patuloy pa ring namamayagpag ang fake news. Bakit kaya ganito?
May mga pag-aaral na nagpapakita na ang fake news ay mas mabilis kumalat kaysa sa katotohanan. Ayon sa mga nagsasaliksik nito, ang mga false tweets, halimbawa, ay mas nakaka-antig ng ating emosyon – mas nagugulat tayo dito o mas naiinis. Iba ang dating kaysa mga karaniwang balita. Pati ang delivery o salita at simbolong ginagamit ng mga ganitong mensahe ay mas nakakagulat, o nakakainis, o nakakashock, nakakapukaw ng ating pakiramdam. Dahil nga mas nakaka-antig sa ating damdamin ang nilalaman at delivery ng mensahe, mas naitutulak nito tayong ibahagi o i-share ito sa iba. Dahil rin iba ang nilalaman at delivery kumpara sa karaniwang balita, nais nating i-share ito dahil pakiramdam natin hindi pa ito alam ng ng ating mga kakilala. Ang feeling natin, sa pagdating ng mga ganitong mensahe, na-u-update tayo at ma-u-update natin ang iba.
Kung susuriin mo kapanalig, ang ganitong paraan ng pagbabahagi ng impormasyon ay hindi naka-base sa facts o katotohanan, kundi sa pakiramdam o feeling na ginigising sa atin ng mga mensaheng ito. At dahil mas apektado ang ating pakiramdam sa mga fake news, mas sini-share natin ito. Kaya ang tsismis, naging digital.
Emotion-fueled ang paglaganap ng fake news, kaya’t di nakakapagtaka na sabay ng paghahari ng kasinungalingan, naghahari rin ang poot. Nagagalit tayo sa isang bagay o tao dahil nakasagap tayo ng mensahe na hindi natin naberipika. Ang masaklap, dahil 24/7 ang social media, araw-gabi din ang pag-aalab ng emosyon ng tao – pinapaypayan pa ang nagbabagang galit, takot, o lungkot – mga emosyon na nasindihan ng fake news.
Kapanalig, napakapangit ng epekto ng fake news sa ating lipunan. Ninakaw na nito ang tunay nating pagkatao. Ginawa tayo nitong mga alipin ng ating emosyon. Ginawa tayo nitong mga mangmang, mga hindi na nag-iisip. Ang panahon ng fake news ay panahon ng poot at kasinungalingan, panahon ng unti-unting pagbagsak ng ating dangal bilang tao, na biniyayaan ng Panginoon ng talino at kakayahang kumilala ng tunay sa peke, ng tama at mali.
Ang Laudato Si ay may angkop na gabay sa sitwasyong ito: Human beings, while capable of the worst, are also capable of rising above themselves, choosing again what is good, and making a new start, despite their mental and social conditioning. We are able to take an honest look at ourselves, to acknowledge our deep dissatisfaction, and to embark on new paths to authentic freedom. No system can completely suppress our openness to what is good, true and beautiful, or our God-given ability to respond to his grace at work deep in our hearts. I appeal to everyone throughout the world not to forget this dignity which is ours. No one has the right to take it from us.
Sumainyo ang Katotohanan.