510 total views
Nanindigan ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines(CBCP) na tungkulin ng Simbahan na gabayan at hubugin ang kamalayan ng mamamayan usapin ng pulitika at pamamahala sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Antonio Labiao Jr., executive secretary ng Caritas Philippines, mahalaga ang pangunguna ng Simbahan sa paghubog ng mamamayang mulat sa mga usaping nagaganap sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Fr. Labiao, nakasalalay rin sa paggabay ng Simbahan ang aktibong pakikilahok ng taumbayan sa pulitika at pamamahala sa bansa.
“How the church will respond to the urgent need to organize, capacitate, and support community leaders and organizations will determine the level of maturity of our next political exercises.” paglilinaw ni Fr. Labiao Jr.
Upang maisakatuparan ito, ilulunsad ng Caritas Philippines ang isang nationwide post-election accountability program.
Layon ng programa na bantayan ang pagsasakatuparan ng nasa 18,000 mga bagong halal na opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga ipinangakong programa at plataporma noong panahon ng kampanya.
Unang ibinahagi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – national director ng Caritas Philippines, layunin din ng program na higit na mapalakas ang aktibong partisipasyon sa pamahalaan ng bawat mamamayan partikular na ang mga layko sa tinaguriang ‘principled politics”.
Aminado si Bishop Bagaforo na kailangan ang sama-samang pagkilos ng mamamayan sa pangunguna ng Simbahan para labanan ang laganap na “misinformation at disinformation kasabay ng malawakang pagsusulong ng social transformation gayundin ang pagtatag ng community-based good governance.
Ilulunsad ang nationwide post-election accountability program sa 40th National Social Action General Assembly ng Caritas Philippines na isasagawa sa General Santos City, South Cotabato na nakatakda sa ika-13 hanggang ika-17 ng Hunyo, 2022.