600 total views
Naghatid ng tulong ang Caritas Manila sa mahigit 300 pamilya na nasunugan sa Baseco Compound, Tondo, lungsod ng Maynila.
Tinatayang nasa mahigit 100 kabahayan ang tinupok ng apoy sa nasabing lugar na nagsimula gabi ng ika-19 ng Mayo kung saan umabot sa ika-4 na alarma ang sunog.
Agad naman na kumilos ang social arm ng Archdiocese of Manila upang damayan ang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Mahigit sa 300 relief bags ang ipinamigay ng Caritas Manila bukod pa sa mga kumot, Jerry Cans, Thermos, Diapers, Banig at mga balde sa pakikipagtulungan ng parokya na nakakasakop sa nasabing lugar, ang Sto Niño de Baseco Parish.
Sa isang Facebook post, nagpapasalamat si Rev. Fr. Rey Balilo sa naging maagap na pagtugon ng Caritas Manila sa pangangailangan ng mga residente.
“Distribution of relief goods for the fire victims, Thank you Fr. Anton [Pascual] and Caritas Manila Damayan, Salamat sa agarang pagtugon para sa mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan,” mensahe ni Fr. Balilo, kura paroko ng Sto Niño de Baseco Parish.
Batay sa imbestigasyon ng Manila Bureau of Fire Protection, nasa mahigt 1 milyong piso ang halaga ng nasunog na ari-arian.
Magugunitang ang Caritas Manila ay nagpapatupad ng maraming mga proyekto sa Baseco Compound bilang bahagi ng patuloy na kagustuhan ng Simbahang Katolika na maabot ang pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan.