738 total views
Nanindigan ang Catholic Charismatic Renewal International Service (CHARIS – Philippines) na pinalawak pa ng simbahan ang pagkilos para tulungan ang mga nalulong sa bisyo.
Sa panayam ng Radio Veritas kay CHARIS – Philippines National Coordinator Fe Barino, ibinahagi nitong nangunguna ang iba’t ibang charismatic communities sa bansa sa paghahatid ng programa para tugunan ang suliranin ng ipinagbabawal na gamot kasabay ng paglunsad ng pamahalaan ng malawakang programa laban dito.
“There’s a lot of charismatic communities who are catering to the needs of drug addicts, charismatics are into transformation through the power of the Holy Spirit and we believe in faith that the best approach for a drug addict to recover from addiction is really through faith based,” pahayag ni Barino sa himpilan.
Inihalimbawa ni Barino ang Surrender to God (SUGOD) program ng Duros Group at Love of God Community na sinimulan noong 2016 kasabay ng paglunsad ng administrasyong Duterte sa drug war.
Ayon kay Barino, mahigit na sa dalawang libong nalulong sa masamang bisyo ang natulungan ng programa para makapagbagong buhay, makabalik sa pamilya at muling makihalubilo sa pamayanang kinabibilangan.
Sa SUGOD program sasailalim ang mga drug dependents sa apat na araw na in-house seminar sa pangunguna ng mga eksperto sa larangan ng siyensya, medisina at spiritual leaders kabilang na ang mga pari na magbibigay ng mga panayam na magpapalago sa moralidad at espiritwalidad ng mga nalulong sa bisyo.
Ito ang tugon ni Barino sa pahayag ni Pastor Apollo Quiboloy na dapat tumulong ang Simbahan sa kampanya laban sa illegal na droga lalo’t karamihan dito ay mga tupa ng Simbahang Katolika.
“I really wanted to refute the statement from the other denomination that we are not doing anything in the Catholic Church, we have the likes of DILAAB and many other initiatives of the Catholic church to address that special ministries of drug addiction,” giit ni Barino.
Bukod sa SUGOD program, pinalalakas din ng Archdiocese of Manila ang SANLAKBAY program para sa mga biktima ng iligal na droga gayundin ang Kaagapay Ministry ng Diocese of Kalookan na nakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan para sa community-based drug-rehab program.