268 total views
“Pray, prepare and care”
Ayon kay Fr. Rex Arjona, social action center director ng Diocese of Legazpi, ito ang kanilang pinaiiral bago, sa kasalukuyan at pagkatapos manalasa ng kalamidad.
Pahayag ng pari, kapag may paparating na bagyo, maliban sa paghihikayat na manalangin ang mga mananampalataya, maagap din ang istasyon ng radyo ng diocese na isahimpapawid kada 30 minuto ang ‘Oratio Imperata’, o panalangin para huminto na o hindi lumala ang epekto ng paparating na kalamidad.
Susundan ito ayon kay Fr. Arjona ng paghahanda gaya ng pagpapakalat ng impormasyon sa magiging epekto ng kalamidad at paghahanda ng bawat isa at pagkatapos aktibo sila sa pagtulong sa mga naapektuhan.
“Pray, prepare, care yan ang ginagawa natin pagdating sa bagyo, pag may signal ang radio stations every 30 minutes nagdarasal ng Oratio Imperata, then pagkatapos niyan ay ang paghahanda, all sectors naghahanda at ang pagtulong mahalaga po yan,” pahayag ni Fr. Arjona sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon kay Fr. Arjona, wala naman naging masyadong epekto sa kanilang lugar ang Bagyong Karen na nanalasa sa Catanduanes at Aurora.
“Hindi po gaano malakas ang bagyo dito, minimal lang ang damage, marami lang natumbang saging yun lang, but we are contacting our counterparts in Catanduanes para sa update so far, on going ang gatherings ng information sa mga damages,” ayon pa sa pari.
Si Karen ang pang 11 bagyo na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kahapon.
Samantala, isang bagyo ang papasok sa PAR ngayong hapon at papangalanan itong Bagyong Lawin taglay ang lakas ng hangin na 130 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 160 kilometers kada oras.
Ayon sa PAGASA, sa Huwebes mararamdaman ang epekto ng bagyong Lawin sa Northern Luzon partikular sa lalawigan ng Cagayan.
Ito na ang ika-12 bagyo na papasok ngayong taon mula sa higit 20 na tumatama sa bansa bawat taon.