163 total views
Mga Kapanalig, kilala niyo ba si Jose Gabriel del Rosario Brochero? Parang pangalan ng artista o kaya naman ay isang mayamang haciendero, hindi po ba?
Isa pong pari si Jose Brochero sa bansang Argentina, at nitong Linggo, itinanghal siya ni Pope Francis bilang isang ganap na santo. Ipinanganak noong 1840 at naging pari sa edad na 26, kilala si Fr. Brochero sa bansag na “gaucho priest”; ang salitang “gaucho” ay tumutukoy sa mga taga-Timog Amerika na pagpapastol ng mga baka o kabayo. Iginawad ang bansag na ito kay Fr. Bochero dahil tanyag siya sa pag-iikot sa Argentina habang nakasakay sa isang asno o mule at nakasuot ng poncho at sumbrero, na parang isang “gaucho”, upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang pari.
Matapos magturo nang ilang taon, itinalaga siyang pamunuan ang diyosesis ng San Alberto, isang malawak na diyosesis kung saan ang 10,000 parokyano ay nakakalat sa mga malalayo at liblib na lugar. Sakay ang kanyang asno at bitbit ang imahe ng Birheng Maria, isang bag ng mga gamit-pangmisa, at aklat ng mga dasal, dinayo ni Fr. Brochero ang mga pamayanan sa San Alberto upang isagawa ang mga sakramento. Hindi niya inalintana ang layo ng kanyang mga pinuntahan, mailapit lamang ang Simbahan sa mga tao.
Kilala rin si Fr. Brochero sa pagtatatag ng paaralan para sa mga batang babae, paglalagay ng mga telegraph stations, at pagpaplano ng riles ng tren. Naging tatak ng kanyang pagkapari ang pagiging malapít sa mga mahihirap at mga maysakit. Sa katunayan, nahawaan siya ng isang parokyanong may ketong na nagdulot ng kanyang pagkabulag at pagkabingi, mga kundisyong pumigil sa kanyang tuparin ang kanyang mga tungkulin, hanggang sa siya ay pumanaw noong 1914.
Ang kahandaang maglingkod sa kapwa, lalo na sa mga nasa malalayong lugar o kaya naman ay mayroong nakahahawang karamdaman, ay isang magandang katangiang mahahango sa buhay ng ating bagong santo. At ito ang tunay na diwa ng pagiging isang mabuting tagasunod ni Hesus. Sa kanyang apostolic exhortation na Evangelii Gaudium, sinabi ni Pope Francis na bilang pagtalima sa halimbawa ng Panginoong Hesus, mahalaga para sa Simbahan ngayon na humayo at ibahagi ang Mabuting Balita sa lahat ng tao—kahit saan, kahit kailan, at nang walang pag-aalinlangan o takot.
Ngunit hindi lamang po ito para sa aming mga pari; ito ay para sa lahat ng binyagan. Tayo pong lahat, bilang bahagi ng bayan ng Diyos, ay mga disipulong may misyon, “missionary disciples.” Ano man ang ating katayuan sa Simbahan o antas ng kaalaman sa pananampalataya, tayo ay maaring maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita o “agents of evangelization.”
Ngunit hindi nangangahulugang kailangan nating gayahin ang ginawa ni San Jose Brochero. Totoong mayroon pa rin tayong mga kapatid na nasa malalayong lugar, ngunit sa laki ng iniunlad ng komunikasyon at daloy ng impormasyon, may kakayahan na tayo ngayong maabot ang mga taong uhaw sa salita ng Diyos. Posible ngang ang mga taong nasa loob mismo ng ating tahanan o opisina ay hindi pa lubusang nasusumpungan ang pangakong kaligtasan ng ating Panginoon. Ang kailangan natin, mga Kapanalig, ay ang katapangan at lakas ng loob na ipinamalas ni San Jose Brochero sa pagtupad sa kanyang misyon. Mahalaga rin ang tunay na pakikinig at pag-iwas sa anumang balakid sa ating pakikipagkapwa.
Hindi rin limitado sa ating mga sasabihin ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Si San Jose Brochero ay nagpatayo ng mga paaralan at nagpaayos ng mga imprastraktura, mga bagay na tumulong paunlarin ang mga tao sa kanyang diyosesis. Sabi nga sa isang sikat na paalala sa mga Kristiyano, “Preach the Gospel at all times. Use words if necessary.” Walang pangangaral ng Mabuting Balita ang hihigit sa pagsasabuhay nito upang paglingkuran ang ating kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.