217 total views
Ito ang paalala sa mamamayan ni Balanga Bishop Ruperto Santos bilang paghahanda ngayong tag-ulan na hudyat ng pagpasok ng mga magkakasunod na bagyo sa bansa.
Ayon kay Bishop Santos, mahalaga ngayong tag-ulan na isaalang-alang ang iba’t ibang bagay para sa kaligtasan sa loob at labas ng tahanan.
“Take necessary precautions sa loob at labas ng bahay. Ayusin, kumpunihin ang mga sira sa bahay at maghanda ng mga pagkaing de lata, gamot, at baterya sa radio at flashlights,” paalala ni Bishop Santos mula sa panayam ng Radio Veritas.
Pinayuhan din ng obispo ang mamamayan ng pagiging mapagbantay hinggil sa lagay ng panahon, gayundin ang pagsunod sa mga panuntunan ng lokal na pamahalaan lalo na sa mga lugar na madalas daanan ng bagyo at nakakaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Hinimok naman ni Bishop Santos ang lahat na kasabay ng pag-iingat ay huwag pa ring kakalimutang dumamay at tumulong sa mga higit na nangangailangan lalo’t higit sa mga maaapektuhan ng sakuna.
Paalala rin ng Obispo na sa anumang sakuna at pagsubok ay mahalaga ang patuloy na pananalangin para sa kaligtasan ng lahat at pagkakaroon nang maayos na panahon.
“Higit sa lahat, tumawag palagi sa Diyos. Manalangin parati. Magtiwala sa Kanya at palaging sumunod sa Kanyang kalooban at kautusan,” ayon kay Bishop Santos.
Batay sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ngayong tag-ulan ay asahan nang makakaapekto ang Southwest monsoon o hanging habagat sa kanlurang bahagi ng Pilipinas, kabilang na ang Metro Manila.
Ngayong taon, ang mga bagyong Agaton at Basyang pa lamang ang nakaapekto sa bansa na parehong naramdaman noong Abril.
Tinatayang aabot sa 20 bagyo ang karaniwang nararanasan sa Pilipinas sa loob ng isang taon.