525 total views
Inihayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na ang pagdiriwang sa Laudato Si Week ay paanyaya sa lahat upang sama-samang pangalagaan ang ating nag-iisang tahanan.
Ayon kay Bishop David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, hindi lamang nananatili sa mga mananampalataya ng Simbahang Katolika ang paggunita sa Laudato Si Week kundi kabahagi rin nito maging ang ibang denominasyon.
Ipinaliwanag ng Obispo na ito ay isang adbokasiya na ibinabahagi sa lahat, mga bansa sa buong mundo, at mga taong mayroong mabuting kalooban at pagmamalasakit sa inang kalikasan.
“I recommend therefore, that you take this opportunity to exercise the genuine sense of Catholicity by reaching out to other fellow Christians, fellow believers, and fellow environmental advocates in the spirit of dialogue, solidarity, and social friendship,” pahayag ni Bishop David.
Muli namang ibinahagi ni Bishop David ang inilabas na CBCP Pastoral Letter noong Enero ng kasalukuyang taon hinggil sa panawagan ng pagkakaisa at pagkilos sa gitna ng nagaganap na krisis sa kapaligiran.
Hinihikayat ang lahat ng mga katolikong institusyon sa bansa na huwag pahintulutan ang mga bangko na mamuhunan sa coal-fired power plants, pagmimina, at iba pang mapaminsalang proyekto.
Kabilang din dito ang mungkahing huwag tatanggap ng anumang donasyon mula sa mga kompanyang nagpapatakbo ng industriyang pumipinsala sa kalikasan.
Hiling naman ni Bishop David na ang Laudato Si Week ay maging pagkakataon upang paigtingin ang kamalayan ng bawat komunidad laban sa malubhang climate crisis na kailangang tugunan ng buong mundo.
“Like I have said on many occasions before, there is no planet B waiting for us out there. The earth is our one and only home; and our creator has entrusted it to our care as his stewards,” ayon sa Obispo.
Tema ng Laudato Si’ Week ngayong taon ang “Listening and Journeying Together” na isasagawa hanggang ika-29 ng Mayo.
Ito ay paggunita rin sa ikapitong anibersaryo ng liham-ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si’ hinggil sa wastong pangangalaga sa kalikasan – ang ating nag-iisang tahanan.