680 total views
Information overload at disinformation ang isa sa pangunahing suliranin sa lipunan na nagkaroon din ng epekto sa katatapos lamang na halalan sa bansa.
Ayon kay Fr. Roy Bellen, director ng office of Communications ng Roman Archdiocese of Manila at Vice-President for Operation ng Radio Veritas, ang mga impormasyon ay karaniwang napapanood ng milyong mga Filipino sa social media kabilang na sa YouTube, TikTok at Facebook na nagkaroon ng impluwensya sa mga botante.
Ang pahayag ng pari ay kasabay na rin ng nakatakdang pagdiriwang ng simbahan ng 56th World communication Sunday kasabay ng Ascension Sunday sa Linggo.
Napiling tema ng Santo Papa Francisco sa pagdiriwang ang Listen with the Ear of the Heart na ang layunin ay ang pakikinig, at pagninilay bago ang pagpapahayag upang matukoy ang tunay na mensahe ng Panginoon.
“Any information na nagbababa, nagbabasura sa karangalan ng tao ay hindi mula sa Diyos. Yung paninira, ang dangal ng tao ang niyuyurakan, nagsisinungaling para ang dangal ng tao ay ibagsak. In the first place alam na alam mo kaagad hindi po yan galing sa Diyos,” ayon kay Fr. Bellen.
Iginiit ni Fr. Bellen na nanggagaling ang ‘tunay na impormasyon’ sa katotohan, kalayaan at dignidad.
“It is very good for us to be reminded kung ano po talaga ang mensahe ng Panginoon. Unang una po, let us be reminded ang Panginoon po ang unang pinahalagahan ay ang dangal ng tao. Katunayan ang Diyos nagkatawang tao, itinaas niya ang dangal ng pagiging tao.”pahayag ng pari
Dahil din sa dami ng mga napapanood at nababasa sa social media nang walang pagsusuri sa katotohan ng ulat ay nagdulot din ng kalituhan kung alin ang tama o mali na dapat paniwalaan.
Bilang paghahanda sa World Communication Day ay gaganapin naman sa Youth Center ng Archdiocese of Manila ang Social Communications Conference.
Ang pagtitipon ay dadaluhan ng mga social communications ministry mula sa mga parokyang nasasakop ng arkidiyosesis.
Ayon kay Fr. Bellen ang pagdiriwang ay muling paanyaya at paalala sa mananampalataya ng kahalagahan ng pakikipag-unayan at ang pagpapahayag ng katotohanan.