609 total views
Ito ang panawagan ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) sa Department of Agriculture sa paglulunsad ng ‘BayAni Kita’ Application.
Layunin ng programa na mailapit sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura ang mga makabagong kaalaman sa pagtatanim at pangingisda sa tulong ng internet at smart phone devices.
Ayon naman kay Kej Andres-Pangulong ng SCMP, bago ang karagdagang kaalaman sa teknolohiya ay kinakailangan munang magkaroon ang bawat magsasaka ng mga lupaing sasakahin.
Sa tala, walo sa bawat 10 magsasaka sa bansa ang walang sariling lupain na sinasaka.
“Bukas ang SCMP sa mga pagsulong sa teknolohiya na maaaring makapagpadulas ng mga transasksiyon at kabuhayan ng mga pesante. Ngunit sa mahal ng gadgets at ng internet load, maiging lalong priyoridad sana ang libreng pamamahagi ng lupa at mga programa upang iangat ang kalagayan ng mga magsasaka, lalo na’t 7 o 8 sa bawat 10 magsasaka ang walang lupa, bagay na ugat ng kahirapan sa kanila,” ayon sa pinadalang mensahe ni Andres sa Radio Veritas.
Kinikilala rin ng SCMP ang layunin ng kagawaran na ilapit ang interes ng kabataan sa agrikultura sa pamamagitan ng ‘BayAni Kita’ Application.
Pagbabahagi ni Andres, mahalagang maipabatid sa mga kabataan ang kahalagahan ng agrikultura dahil ito ang sektor ng pangunahing lumilikha ng pagkain sa bansa at pinaka nakakaranas ng paniniil dahil sa pag-agaw sa kanilang mga lupang minana.
“Mahalagang maunawaan ng kabataan ang halaga ng agrikultura dahil ito ang nagpapakain sa bansa. Kailangan ding maunawaan na ang sektor ng agrikultura ang pinakamahirap at pinakaaping sektor sa Pilipinas na inuugatan ng kawalan ng lupa, monopolyo sa lupa, land conversion, at pandarahas sa kanayunan. Ang pagpapalalim ng unawa sa tunay na kalagayan ng kanayunan ng bansa ay magtutulak lalo sa kabataan na makipamuhay at manindigan kasama nila,” ayon pa kay Andres.
Sa nagdaang pandemya, una ng nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na bigyan ng karagdagang tulong ang mga magsasaka upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng pagkain ang Pilipinas.